Home OPINION RETIREMENT PAY NATANGGAP NA NG EX-EXPLOYEES NG IBC 13  

RETIREMENT PAY NATANGGAP NA NG EX-EXPLOYEES NG IBC 13  

MASAYA at malungkot, ito ang damdaming nararamdaman ng mga dating empleyado ng IBC o Intercontinental Broadcasting Corporation matapos na matanggap ang kanilang dalawang dekadang hinintay na retirement pay.

Ang RA No. 7641, na karaniwang kilala bilang Retirement Law, ay nagbibigay sa isang empleyado ng mga benepisyo sa pagreretiro kapag umabot sa edad na 60 taon ngunit hindi lalampas sa 65 taon, na siyang sapilitang edad ng pagreretiro, sa kondisyon na ang naturang empleyado ay nagsilbi ng hindi bababa sa limang taon at ang mga benepisyo sa pagreretiro ay na-avail ng isang beses lamang.

Ayon sa PCO o Presidential Communications Office, 25 sa kabuuang 145 na retired personnel ay namatay na, habang ang karamihan ay may mga iniindang karamdaman o may maintenance medicines na.

Sinabi ni PCO Secretary Cheloy Garafil na kabuuang dalawampu’t dalawang taon at dalawampu’t walong management teams ang nagdaan pero ngayon lamang sa panahon ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. natuldukan ang mahabang paghihintay.

Dagdag pa ni Garafil, marching order ni Pangulong BBM sa kanila na maisaayos na ang benepisyong dapat ay matagal nang tinanggap ng mga retiradong empleyado.

Ang kapakanan umano ng media workers ang isa sa nais na maisaayos ng Marcos administration.

Ayon kay IBC 13 president and chief executive officer Jimmie Policarpio, nasa halos 200 families ang makikinabang sa inilabas na benepisyo. Malaki ang pasasalamat nila kay Pangulong BBM, sa Senado partikular sina Senate President Juan Miguel Zubiri, at Senador Koko Pimentel, Jinggoy Estrada at JV Ejercito na siyang nag-sponsor sa panukalang batas.

Dapat din umanong pasalamatan si Speaker Martin Romualdez, DOF o Department of Finance Secretary Ralph Recto, DBM o Department of Budget Management Secretary Ame­nah Pangandaman, at sa Governance Council for Government Owned

and Controlled Corporations chairperson Atty. Ma­rius Corpus.
Naglaan ang DBM ng halagang Php 187.189 million para sa benepisyo at pagpapatuloy ng operasyon ng IBC 13.