MANILA, Philippines – Ayon sa Sandiganbayan, ang dating senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. ay iko-commit sa Quezon City Jail sa Payatas.
Humiling ang kampo ni Revilla na siya ay idetain sa PNP custodial facility dahil sa security concerns, ngunit iginiit ng korte na sa Payatas siya ilalagay.
Inanunsyo rin ng anti-graft court na ang pre-trial at arraignment ng lahat ng akusado ay gaganapin sa Enero 23, 2026.
Sumuko si Revilla sa Camp Crame noong Lunes, kasabay ng paglabas ng arrest warrant laban sa kanya para sa graft at malversation.
Ang kaso laban kay Revilla at sa anim na dating opisyal ng DPWH Bulacan First District Engineering Office ay kaugnay ng isang inalalang ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa prosecution, nagsabwat ang mga akusado upang mapabilis ang pag-release ng P76 milyon para sa konstruksyon ng P92.8-milyong flood control project na diumano’y natapos ngunit hindi naipatupad, batay sa inspeksyon at testimonya ng saksi.
Inihayag ni Revilla na nakakalungkot ang tila kakulangan ng due process, ngunit sinabi niyang haharapin ang kaso:
“Nakatanggap po kami ng impormasyon na lumabas po ang aking warrant of arrest. Nakakalungkot po, parang wala po yatang due process. Pero gayun pa man, haharapin ko ito ng walang takot. At alam kong hindi ako papabayaan ng Diyos dahil wala akong kasalanan dito,” ani Revilla.
Nauna nang na-acquit si Revilla sa plunder charges kaugnay ng umano’y maling paggamit ng kanyang PDAF, ngunit na-link sa flood control controversy matapos akusahan siya ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo na tumanggap ng kickbacks kapalit ng endorsement ng mga proyekto. RNT/MND