MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta ang mga mambabatas nitong Sabado, Enero 31, sa pagrebisa ng umiiral na panuntunan at posibleng pag-amyenda sa Konstitusyon upang maiwasan ang inilarawan nilang judicial overreach.
Ito ay kasunod ng ruling ng Korte Suprema na nagdeklarang unconstitutional ang articles of impeachment na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, plano niyang pag-usapan ito kasama ang mga lider ng Kamara para sa posibleng susunod na hakbang matapos ang desisyon ng SC noong 2025.
“Palitan na natin ang Konstitusyon kung ganyan. Kung constituent assembly ang solusyon, bakit maghihintay pa tayo ng ilang dekada?”
Aniya, hindi na mahihintay ng bansa na mag-retire ang kasalukuyang mga justices ng Korte Suprema na ang karamihan ay itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ama ng Bise Presidente.
Sa media forum, sinuportahan naman ni Manila 3rd Dist. Rep. Joel Chua, chairman ng House committee on good government and public accountability, ang proposal ni Sotto.
“Mahigit 30 taon na po, halos 40 taon na ang ating Konstitusyon. Marami na pong nangyari at marami na rin tayong nakita na kakulangan o hindi pagkakatugma-tugma,” ani Chua.
“Sa aking pananaw, baka napapanahon na ring repasuhin ito—hindi lang sa usapin ng impeachment kundi pati sa iba pang probisyon,” dagdag pa nito.
Samantala, binatikos ni House Committee on Public Accounts Chairperson Terry Ridon ang paggiit ng Korte Suprema sa due process at speedy resolution ng impeachment cases, at sinabing dapat ding suriin ng judiciary ang sarili nitong compliance sa procedural timelines.
“I think they should also look at themselves—whether they are able to comply with the 24-month period for resolving cases,” ayon kay Ridon.
Ipinunto ni Ridon na obligado ang Supreme Court na maglabas ng desisyon sa mga kaso sa loob ng 24 buwan mula sa submission ng huling pleading o memorandum.
Sa kabila ng mga kritisismo, sinabi ng mga mambabatas na tutugon pa rin sila at irerespeto ang ruling ng SC kahit na tutol sila sa mga implikasyon nito.
“Bagama’t kami ay tatalima at gumagalang sa kautusan ng Korte Suprema, hindi ibig sabihin nito ay sumasang-ayon kami,” ani Chua. RNT/JGC