MANILA, Philippines – Isusulong ni dating Caloocan City Mayor Reynaldo “Rey” Malonzo ang mga amyenda sa proseso ng paghahalal ng mga kapitan ng barangay sa oras na siya ay manalo sa 2025 national at local elections.
Nitong Sabado kasi, Oktubre 5, ay naghain ng certificate of candidacy (COC) si Malonzo sa pagiging congressman ng unang distrito ng Caloocan City sa ilalim ng Kapisanan ng Nagkakaisang Pilipino party.
“Tingin ko dapat maraming baguhing batas sa Pilipinas. Ako partikular na gusto kong baguhin ay ‘yung tungkol sa barangayan,” sinabi ni Malonzo sa isang panayam.
“‘Yung barangayan kasi ay dapat na ibalik natin to sa barangay council kung saan ‘yung mga barangay iboboto ‘yan ng council, at sa loob ng tatlong [taong] pag-upo nila, tatlong kapitan ang uupo,” dagdag pa niya.
Naniniwala si Malonzo na makatutulong itong sugpuin ang korapsyon sa lebel ng barangay, dahil ang kapitan ng barangay ay papayagan lamang umupo ng isang taon.
Sa paghahain ng COC, makakaharap ni Malonzo si dating Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan, na naghain din ng kanyang COC bilang representative ng first district ng Caloocan noong Oktubre 2.
Aminado si Malonzo na hindi magiging madali ang laban para sa posisyong ito.
“Hindi rin naman natin masasabing madali ang laban, but nararamdaman ko sa taong bayan, they want changes. Hindi pwedeng isang pamilya lang ang magpapatakbo sa Caloocan,” aniya. RNT/JGC