Home OPINION RICE PRICE CEILING, EPEKTIBO NA NGAYONG ARAW

RICE PRICE CEILING, EPEKTIBO NA NGAYONG ARAW

IPINATUTUPAD na ngayong September 5, 2023 ang ipinag-utos na rice price ceilings sa buong bansa alinsunod sa Executive Order No. 39 na nilagdaan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. kamakailan.

Itinakda ang presyo ng pagbebenta ng regular milled rice sa Php 41.00 habang nasa Php 45.00 naman sa well-milled rice.
Base ito sa rekomendasyon ng DA o Department of Agriculture at ng DTI o Department of Trade and Industry bunsod na rin ng patuloy na pagsipa ng halaga ng bigas sa merkado kahit na wala namang shortage sa suplay.
Inaatasan ang DA at DTI, katuwang ang DILG o ang Department of the Interior and Local Government, para sa istriktong implementasyon ng mandated price ceilings, imbestigahan ang anomang abnormal price movements, at magkaloob ng tulong sa mga apektadong rice retailer.
Inutusan din ang BOC o ang Bureau of Customs na ipagpa­tuloy ang pagsasagawa ng mga inspeksyon at raid sa mga warehouse para mapigilan ang hoarding at illegal importation at magsagawa ng pagkumpiska ng mga smuggled rice alinsunod sa proseso ng batas.
Hinikayat naman ni Pangulong BBM ang publiko na nga­yong may mandated price ceiling na para sa dalawang klase                ng bigas ay i-report sa kinauukulan ang mga malalaman ni­tong lumalabag sa pamamagitan ng 8888 Citizens Complaint Cen­­ter.
Bagama’t hindi lahat ay aprubado sa paglalabas ng EO No. 39, sinabi naman ng PRISM o Philippine Rice Industry Stakeholders Movement na naiintindihan nila ang posisyon at aksyon ni Pagulong BBM.

WALANG LABIS O KULANG NA
REKOMENDASYON SA PAG-AABONO,
HANDA NANG IBAHAGI SA MGA MAGSASAKA

Sa tulong ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF, tukoy na ang tamang dami, uri, at panahon ng paglalagay ng abono gamit ang Minus-One-Element technique o MOET.
Inaasahang 200 na munisipyo ang mabibigyan ng rekomendasyon sa pag-aabono bago matapos ang taon. Nasa 312 na mga bayan naman ang makatatanggap na rin ng rekomendasyon na naaayon para sa kanila hanggang 2024.
Kabilang sa mga munisipyong may nakahanda ng rekomendasyon sa pag-aabono ay nasa probinsya ng Kalinga, Ifugao, Ilocos Sur, La Union, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Pampanga, Bataan, Bulacan, Zambales, Cavite, Laguna, Quezon, Masbate, Albay, Sorsogon, Antique, Aklan, Biliran, Bohol, Negros Occidental, Davao del Norte, Davao Oriental, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Kalinga, Masbate, at Maguindanao.
Samantala, hinihikayat ni Flordeliza H. Bordey, pinuno ng DA-PhilRice RCEF Program Management Office ang lokal na pamahalaan ng mga sakop na probinsiya ng RCEF na bukod sa pagbabahagi ng rekomendasyon ay suportahan din ang pagpapatupad ng iba’t ibang programa base sa mga naibigay na rekomendasyon sa pag-aabono na maaaring makatulong sa mga magsasaka na mas mapataas pa ang kanilang ani at kita.
Dagdag pa ni Bordey na mainam na hindi labis o kulang ang sustansiya ng palay upang maging maganda ang bulas at pantay-pantay ang mga uhay.
Para sa karagdagang impormasyon sa pagpapalayan, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423.