Home OPINION HUWAG HUSGAHAN SI MR. GONZALES

HUWAG HUSGAHAN SI MR. GONZALES

BUMABAHA ang memes sa social media, lahat ay nang-iinsulto
kay Mr. Wilfredo de Joya Gonzales — ang lalaking hinarangan
daw ang siklista sa mismong bicycle lane sa Quezon City, pinalo
sa ulo ang kaawa-awang siklista, ‘tsaka pinagbantaan ang buhay
nito nang bumunot at magkasa ng baril nang naka-“game face.”

Noong ako ay nasa newsroom pa, madalas kaming paalalahanan
ng aming respetadong boss “na huwag nang dumagdag sa pang-
aapi sa isang taong dapang-dapa na.” Kasabay nito, tumalima
ang aming pahayagan sa isang istriktong polisiya: iulat ang totoo,
iwasan ang hindi kinakailangang pagpapalaki ng istorya, at
huwag nang gatungan pa ang isang negatibong bagay.

Sa kaso ni Mr. Gonzales, ang viral video ng hindi
pangkaraniwang eksena sa kanyang buhay ay nagbigay sa kanya
ng imahe bilang isang taong marahas at wala sa katwiran.
Gayunman, mapaiisip din tayo kung ano ba talaga ang kanyang
kuwento. Huwag nating kalilimutan na ipinagmamalaki niyang dati siyang nagserbisyo sa Philippine National Police, ang
organisasyong naatasan na magpatupad ng batas. Posible rin
naman, ayon sa iba, na ang naging pagkakamali lang niya ay ang
pinayagan niyang makuhanan ng video ang kanyang ginawa.

Sangkatutak na ang problemang ligal na kinaharap ni Gonzales,
karamihan ay nagtatapos sa pagbasura ng kaso. Marahil may
espesyal sa kakayahan niyang mangumbinse, o maaaring sabihin
ng iba na pananakot, para makakopo ng areglo, gaya nang
kinasapitan nila ng siklista.

Bilang ilang dekada rin siyang naging pulis, walang dudang
eksperto siya sa paggamit ng baril. Gayunman, marami ang
napaiisip, kahit pa gaano kabastos ang siklista, kailangan ba
talagang bunutan at kasahan ng baril gayong ‘di naman armado?
Ikakatwiran ng iba na magiging katanggap-tanggap sana ang
grabeng reaksiyon ni Gonzales kung tinutukan siya ng kutsilyo o
anomang deadly weapon ng siklista. Pero, sa kasong ito, hindi
naman iyon ang nangyari.

Kaugnay nito, bigyan natin ng kahit bahagyang pang-unawa si
PBGen Nicolas Torre III. Ang kahandaan niyang magbitiw sa
puwesto bilang QCPD director, bunsod ng hinihinalang pagpabor
niya kay Gonzales, ay nagsasabing ang pagkakilala niya sa
suspek ay ‘yung tipong isa itong ‘misunderstood’ na indibiduwal
na sumusunod naman sa batas. Para kay Torre at sa kanyang
presinto, makatwiran lang marahil na mag-areglo na lang angdalawang panig sa halagang P500 penalty para matapos na ang isyu.

Gayunman, hindi maikakailang naresolba agad sana ni Gonzales
ang sitwasyon kung nagkusa siyang magbigay na lang ng ‘public
apology’ sa siklista at amining mali ang paglalabas niya ng baril
sa isang pampublikong lugar. Mas naging epektibo sana ito sa
korte ng opinyon ng publiko sa kanya.

Bukod dito, huwag din sana nating kalimutan na mainit pang
pinag-uusapan sa social media hanggang ngayon ang mga
panibagong kapalpakan ng pulisya, kabilang ang kontrobersiyal
na pamamaril sa dalawang binatilyo sa Navotas at Rizal. Ang
ginawa ni Gonzales ay dumagdag pa sa mainitan pa ring
talakayan sa usapin ng pulisya.

Pero matinong tao ba si Gonzales? Hindi ako sigurado kung ang
argumentong ito ay nakabatay sa maraming pagkakataong
napatunayan ng korte na inosente siya sa krimeng ibinibintang sa
kanya. Totoong napakaraming kaso na isinampa laban sa kanya
ang naibasura nang mga kagalang-galang na korte, gaya ng
dalawang kaso ng paglabag sa PD 1866 (Illegal Possession of
Firearms), isang kaso ng grave threat noong 2000, isang kaso ng
grave coercion noong 2003, at isang obstruction of justice case
taong 2004.

Bukod pa rito, naabsuwelto rin si Mr. Gonzales sa dalawang kaso
ng frustrated homicide sa pagitan ng 1992 at 1999, at dalawang
kaso ng robbery sa pagitan ng 1993 at 2009! Paano ngayon natin
masisisi si Gen. Torre kung ganoon na lang ang respetong
ibinigay niya at ng kanyang mga tauhan sa QCPD kay Gonzales?
Mukhang paborito siya ng mga korte. Sa katunayan, kinuha pa
nga siyang trabahador ng isang tanggapan sa pinakamataas na
hukuman sa bansa.

Sa kasalukuyan, kinasuhan ni Atty. Raymond Fortun ang tatlong
pulis na pinaniniwalaan nating nang-agrabyado sa siklista! Wala
ako sa posisyon para husgahan si Gonzales. Pero kung mauuwi
ito sa pagsasampa ng panibagong kaso laban sa kanya,
malalaman natin kung hanggang saan ang suwerte niya sa ating
legal system.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email
sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app
(dating Twitter).