MANILA, Philippines – Nagpahayag ng kahandaan ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tumulong sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa Jeddah matapos saksakin at patayin ng kanyang mister ang kanilang 9-anyos na anak na lalaki at sugatan ang isang 14-anyos na anak na babae.
Sinabi ni OWWA administrator Arnell Ignacio sa isang panayam nitong Huwebes sa Philippine News Agency, na sinisikap nilang maibalik ang OFW sa kanyang bayan sa Maguindanao del Norte para makita niya ang kanyang dalawang anak.
Sinabi ni Ignacio na inisyal na nagbigay ng financial assistance sa pamilya at binabantayan ang development sa kaso ng mister ng OFW.
“Nakabantay din po tayo. Nagbigay tayo ng PHP25,000 din financial assistance. We are also working on the flight of their OFW mother to come home,” sabi ni Ignacio.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni OWWA na ang kanilang Regional Office sa Maguindanao del Norte ay bumisita sa pamilya at sa nakaligtas na anak na babae ng OFW na ngayon ay nagpapagaling sa ospital.
“Agad ring nagbigay ng paunang tulong ang OWWA sa mga kaanak ng mga biktima. Tinitiyak rin ng OWWA na tuloy-tuloy ang tulong na ibibigay ng ahensya sa pamilya ng kababayan nating OFW gitna ng malungkot na pangyayaring ito”, pahayag ng OWWA.
Idinagdag pa na handa rin ang tanggapan ng OWWA sa Jeddah na tulungan ang kababayan sa oras na naisin nnitong umuwi ng Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Ayon sa mga ulat, nagalit ang ama ng mga biktima noong hatinggabi ng Linggo at pinagsasaksak ang kanyang anak sa loob ng kanilang tahanan sa Parang, Maguindanao del Norte.
Inamin din ng suspek sa pulisya na pinagsasaksak niya ang kanyang mga anak habang siya ay lango sa alak.
Nasa kostodiya na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa mga kasong parricide at frustrated parricide. Jocelyn Tabangcura-Domenden