
IPINAALALA sa akin ng mga anak ko na malapit na raw ang isang malaking book fair na gaganapin sa Pasay City. Sabi ko parang katatapos pa lang ng Philippine Book Fair noong Abril, mayroon na naman? Pero sa totoo lang, natutuwa ako na buhay pa rin ang interes ng mga anak ko sa pagbabasa.
Mahirap man tanggapin, reyalidad na ang mga batang Pilipino ay mayroong “learning poverty” o kahirapan na matuto. Paano naging ganoon, eh hindi ba edukasyon nga at makatapos ng pag-aaral ang pangunahing pangarap ng halos lahat na mga Pilipino?
Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2022, halos 90% ng mga batang nasa sampung taong gulang ay hirap sa pagbabasa at pag-intindi ng kanilang binabasa. Noon naman December 2023, iniulat ng Program for International Student Assessment o PISA na pang-77 ang Pilipinas sa 81 bansa pagdating sa kakayahan ng mga estudyante sa agham, matematika at pagbabasa. Kumbaga, kulelat ang mga estudyanteng Pinoy.
Hindi ako kumbinsido na angkop na solusyon ang pagdadag ng mga araw sa kalendaryo ng eskwelahan o dagdag na mga aralin o kaya dagdag na kurso. Ang ganitong mga solusyon ay daragdag lang sa gastusin, pagod at stress ng mga magulang at mga estudyante.
Tingin ko ay mas basic pa ang kailangan na reporma ng basic education natin. Balik tayo sa pagpapaganda at pagpapalalim ng “reading classes” at ang pag-engganyo sa pagbabasa. Kasi, kapag hindi marunong at hindi masayang nagbabasa ang isang bata, hindi ito masasanay na maging matalas at mapanuri sa kanyang pag-iisip.
Bukod sa pagpapalakas ng reading interventions, dapat ay bigyan pa ng mas maraming mga pagsasanay o trainings ang mga guro, taasan ang kanilang mga sweldo at siguruhing mayroong sapat na classrooms at kagamitan sa mga eswelahan.
Kapag hindi naging komprehensibo ang tugon ng Department of Education dito, tuluyan na talagang mapag-iiwanan ang mga estudyanteng Pilipino.