MANILA, Philippines – Bumagsak sa P5 kada kilo ang presyo ng palay sa ilang bahagi ng Luzon, dahilan para malubog sa utang ang mga magsasaka, ayon kay Gabriela Rep. Sarah Jane Elago sa pagdinig ng 2026 budget.
Binatikos niya ang Department of Agriculture (DA) dahil bigong tuparin ang pangakong P17 kada kilo, at iginiit na dapat hindi bababa sa P20 ang presyo.
Aminado si DA budget sponsor Rep. Ana York Bondoc na lalo pang pinabigat ng Rice Tariffication Law ang krisis dahil sa walang limitasyong importasyon, pagbaba ng taripa, mahinang kapasidad ng NFA, at pinsala ng bagyo. Sinabi niyang suspendido na ang rice imports sa ilalim ng EO 93 at inatasan ang mga LGU na bumili ng palay sa P17 kada kilo.
Hiningi rin ng DA ang dagdag na P3 bilyon para sa procurement at iminungkahi ang pansamantalang 30–60 araw na import ban, bukod sa pagbibigay ng P7,000 ayuda sa bawat rehistradong magsasaka. Tinuligsa ito ni Elago bilang kulang at nanawagan ng mas malaking ayuda na P20,000 hanggang P25,000 kada magsasaka.
Tumanggi si Bondoc na ipabasura ang batas ngunit inamin ang mga kahinaan nito at sinabing pinag-aaralan ang mga amyenda, kabilang ang pagbabalik ng kapangyarihan ng NFA. RNT