MANILA, Philippines- Nakaligtas ang isang lalaking natagpuang may packing tape sa mga kamay sa Antipolo nitong Martes na kinilala sa alyas na “Michael,” 43, isang drayber.
Hirap kumilos si Michael matapos ihulog sa bangin ng tatlong kalalakihang kumuha ng kanyang sasakyang Toyota Innova.
Ayon sa imbestigasyon ng Antipolo City police, na-holdap at nabiktima ng carnapping si Michael.
Paglalahad ng hepe ng Antipolo police na si Lt. Col. Ryan Manongdo, may nag-book sa biktima pasado ala-1 ng madaling araw noong Martes na sinundo niya sa Pasay para magpahatid sa Sta. Ana.
“Upon reaching Sta. Ana Church sa Manila dun na nag-declare ng hold-up yung 3 indibidwal na nag-avail ng kanyang services… Piniringan na lang siya. Naalala na lang niya is nandito na siya sa Antipolo,” wika ni Manongdo.
Pagdating nila sa Antipolo, inihulog ng mga suspek si Michael sa bangin.
Subalit, nabuhay ito at gumapang patungo sa isang kalapit na bahay kung saan siya nagpasaklolo.
Nadatnan ng mga barangay official ang biktimang hirap makatayo.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad na maging alerto sakaling magkaroon ng pagbabago sa booking at alamin ang lokasyon ng police stations.
Sa kasalukuyan ay tinutugis ng Antipolo police ang mga suspek.
Nagpapagaling naman ang biktimang nagtamo ng bali sa spinal cord at ilang sugat sa katawan.
Humingi ito ng tulong para sa kanyang pagpapaopera na aabot sa halagang P220,000. RNT/SA