Isang driver ng ride hailing app na di-umanoý naghalay at nangholdap sa kanyang babaeng pasaherong biktima ang nadakip sa ikinasang follow-up operation sa Laguna ng mga miyembro ng Parañaque City police pasado hatinggabi ng Sabado, Setyembre 7.
Kinilala ni Parañaque City police officer-in-charge P/Col. Melvin Montante ang inarestong suspect na si alyas Andy habang patuloy namang tinutugis ang isa pang kasaabwat na suspect na isang alyas Pogi.
Ayon isinumiteng report ni Montante sa Southern Police District (SPD), naganap ang di-umanoý panghahalay at panghoholdap sa babaeng biktima na kinilalang si alyas Thi, 32, noong Setyembre 5 ng madaling araw matapos siyang magbook sa isang ride hailing app para sa kanyang pag-uwi ng kanilang bahay.
Ilang minuto lamang ang lumipas ay dumating ang isang metallic green na Toyota Vios na minamaneho ni alyas Andy na siyang nakatakdang maghatid sa kanya patungo sa kanilang bahay.
Sinabi ni Montante na habang binabagtas ng sasakyan na minamaneho ni alyas Andy ang kalsada ay nagulat ang biktima sa panandaliang pagtigil ng kanilang sasakyan sa tabi ng kalsada kung saan biglang pumasok sa loob ang isa pang suspect na si alyas Pogi bago muling tumakbo ang sasakyan.
Habang tumatakbo ang sasakyan ay tinutukan ng kutsilyo ni alyas Pogi ang biktima kung saan puwersahang kinuha ang kanyang ₱35,000 at iPhone 12.
Itinigil ni alyas Andy ang sasakyan sa isang madilim na lugar kung saan salitang ginahasa ng mga suspects ang biktima at pagkatapos gawin ang panghahalay ay piniringan ng mga ito ang biktima at inabandona sa harap ng isang cargo company na matatagpuan sa Brgy. San Dionisio, Parañaque City.
Sa tulong ng isang concerned citizen ay tinulungan ang biktima na makauwi sa kanilang tahanan at inireport ang naturang insidente sa Sto. Sto Niño Police Substation kinaumagahan.
Sa pagsasagawa ng backtracking ng Parañaque City police ay natunton ang kinaroroonan ng sasakyan na nakarehistro kay alyas Andy sa kanyang tinitirahan sa Cabuyao, Laguna.
Pasado hatinggabi ng Sabado nang isinagawa ng mga tauhan ng Parañaque City police ang follow-up operation na nagresulta ng pagkakaaresto kay alyas Andy habang nakikipaglamay sa patay na malapit sa kanilang lugar.
Narekober din ang sasakyan na ginamit sa krimen kung saan nadiskubre sa loob nito ang iPhone 12 cellphone ng biktima, isang Honor cellphone, kulay itim na brass knuckle, pocket knife, panlalaking wallet, at isang .45 kalibre pistol na may magazine at kargado ng mga bala.
Sa isinagawang interogasyon ay ikinanta ni alyas Andy na kasama niya sa pagsasagawa ng krimen si alyas Pogi na sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nakalalaya.
Kasong robbery with rape ang kinahaharap ng mga suspects sa Parañaque City Prosecutor’s Office habang karagdagang kaso na paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act) pa ang isinampa laban kay alyas Andy sa Cabuyao Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)