Home METRO Rider ng motor binangga ng Fortuner, patay

Rider ng motor binangga ng Fortuner, patay

MANILA, Philippines – Isang lalaking rider ng motor ang namatay makaraang salpukin ng isang Toyota Fortuner habang bumabaybay sa kahabaan ng Brgy. Bunga, Tanza, Cavite.

Kinilala ang biktima na si Alvin Vera Cadavin, nasa hustong gulang na nagtamo ng tama sa ulo matapos na tumilapon na naging sanhi ng ikinamatay nito.

Base sa report, kinilala ang suspek na si alyas Andres, nasa hustong gulang, driver ng Fortuner na may plakang ZKL 439.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 3:30 ng hapon nang maganap ang insidente habang minamaneho ng biktima ang kaniyang SkyDrive motorcycle sa nasabing lugar.

Napag-alaman na patawid na umano sa Crossing na kalsada ang biktima nang masalpok ito ng paparating na Toyota Fortuner na minamaneho naman ng suspek.

Dahil sa lakas ng impact ay tumilapon ang biktima at sumadsad sa konkretong kalsada hanggang sa nabagok ang ulo.

Mabilis naman itong naisugod sa ospital subalit namatay rin kalaunan.

Mahaharap sa kasong Reckless Imprudence resulting to Homicide and Damage to Property ang suspek. Margie Bautista