Home METRO Rider patay sa pamamaril sa ‘love triangle’

Rider patay sa pamamaril sa ‘love triangle’

MANILA, Philippines – Sinasabing love triangle ang dahilan ng pamamaril at pagkamatay ng isang lalaki nang tambangan ng hindi nakilalang gunman nitong Linggo ng gabi sa Sta.Cruz, Maynila.

Dead on the spot ang biktima na si Aaron Gibb Mamucod, 23 anyos, walang trabaho ng Yuseco Street, Tondo, Maynila.

Base sa kuha ng CCTV ng Barangay 322 Zone 32, makikitang sunod-sunod na pinaputukan ng hindi nakilalang suspek ang biktima sa panulukan ng Felix Huertas at Bambang Street Sta Cruz, Maynila.

Ang suspek ay may taas na 5’7 hanggang 5’9 katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na long sleeve, naka-short pants at sakay ng motorsiklo.

Ayon kay Chairman Pedrito, hindi kilala sa lugar ang biktima at suspek.

Bago umano ang insidente, nakita pa na pumarada sa lugar ang biktima at suspek.

Kalaunan, binuksan ng suspek ang compartment ng kanyang motorsiklo saka hawak na ang barili at pinaputok sa ere na tila tinatakot ang biktima.

Dagdag pa ng tserman, halos magkasunod ang biktima at suspek na dumating sa lugar at nagawa pa nilang makapag-usap.

Pagkatapos ang pamamaril, umalis na ang suspek pabalik ng Bambang. Narekober sa pinangyarihan ng pamamaril ang anim na basyo ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril.

Sa nakalap na impormasyon, sinasabing nagpaalam pa ang biktima sa kanyang mga kaibigan na susunduin lamang ang kanyang kasintahan kaya maaari umanong ‘love triangle’ ang motibo sa pamamaslang.

Gayunman, patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy ang totoong motibo habang nagpapatuloy din ang follow-up operation laban sa suspek na nakatakas. Jocelyn Tabangcura-Domenden