PANGASINAN-Tigok ang isang 32-anyos na lalaki matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa nakaparadang truck sa gilid ng kalsada sa Brgy. Canarvacanan, Binalonan ng lalawigang ito nitong madaling-araw ng Linggo, Setyembre 20.
Ayon sa Binalonan MPS, ang driver ng motorsiklo ay residente ng Pozorrubio, Pangasinan samantalang ang 67-anyos na driver ng truck ay residente ng Rosario, La Union.
Ang dalawang sasakyan ay parehong bumibiyahe sa national highway papuntang hilaga.
Habang bumibiyahe ay nakaramdam ng antok ang driver ng truck kaya itinigil nito ang sasakyan at pumarada sa gilid ng kalsada para matulog.
Nang makarating naman ang motorsiklo sa pinangyarihan ng insidente, hinihinalang bumangga ito sa likod na bahagi ng nakaparadang truck.
Nagtamo ng mga malulubhang sugat ang driver ng motorsiklo samantalang hindi naman nasaktan ang driver ng truck.
Isinugod sa Urdaneta District Hospital ang driver ng motorsiklo.
Gayunman, driver ng motorsiklo ay hindi na nagawang isalba pa ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso