Home NATIONWIDE River basins, dams pinarerebyu ng OCD chief

River basins, dams pinarerebyu ng OCD chief

MANILA, Philippines- Isinusulong ni Office of the Civil Defense (OCD) Administrator Ariel Nepomuceno ang pangmatagalang “integrated and comprehensive” na solusyon kada river basin upang maiwasan ang malawakang pagbaha sa hinaharap.

Sinabi ng opisyal na hindi bababa sa 18 major river basins ang dapat gawing prayoridad, simula sa Bicol River Basin alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Tingnan na rin ng mabuti iyong Cagayan River Basin at dito sa Pasig, Marikina River Basin, kasi iyan iyong laging napakaraming pinsala na dinudulot sa atin,” pahayag niya sa Saturday News Forum sa Quezon City.

Ibig sabihin ng “comprehensive and integrated,” sinabi ni Nepomuceno na ito ay kombinasyon ng engineering solutions.

“Meaning, elevated dams to provide not just electricity but also flood control,” paliwanag niya.

Sa inaasahang bagsik ni Super Typhoon Pepito na tinukoy ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na “catastrophic,” inatasan ni Pangulong Marcos ang OCD na tiyaking hindi babahain ang evacuation centers at ligtas mula sa landslides.

“Ang tanong niya (Marcos) nga at utos, siguraduhin naman na ang evacuation centers ay nasa lugar na siyang hindi mapipinsala o tatamaan ng baha o ng landslide,” ani Nepomuceno.

“Libo-libo naman iyang evacuation centers, kasama na iyong eskuwelahan. Meaning, iyong mga bagong itatayong evacuation centers ay dapat sumunod na doon sa pag-iwas doon sa mga landslide-prone areas, storm surge prone areas or flood-prone areas,” aniya pa. RNT/SA