CEBU CITY- Nasabat ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P9.1 milyon mula sa isang 41-anyos na lalaki na inilarawan ng mga pulis na big-time drug pusher sa lalawigan ng Bohol.
Nadakip si Vicente Sarno sa isang buy-bust operation at nakuhanan ng 1.3 kilo ng shabu ng Provincial Intelligence Unit ng Bohol Police Provincial Office nitong Biyernes ng hapon, sa Barangay Mariveles, sa bayan ng Dauis.
Sinabi ni Police Lt. Col. Joemar Pomarejos, hepe ng PIU, na ang suspek, residente ng bayan ng Alburquerque, Bohol, ay minanmanan sa nakalipas na mga buwan matapos mabanggit ang kanyang pangalan sa nakaraang anti-illegal drug operations.
Ani Pomarejos, ang suspek umano ang nag-iingat ng malaking halaga ng illegal drugs na ipakakalat sa lalawigan.
Dagdag niya, inihahatid ang illegal drug supply sa pamamagitan ng isang contact na kasalukuyang nakaditene sa isang jail facility. RNT/SA