ALBAY, Philippines – Inatasan ang mga pulis sa Albay at karatig lugar na tutukan ang road-clearing operations upang masigurong makakadaan ang mga emergency vehicle at relief convoy sa mga komunidad na apektado ng ashfall ng Mayon Volcano.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., kabilang sa mga lugar ng operasyon ang Camalig, Guinobatan, at Ligao City kung saan ilang barangay ang natabunan ng makapal na abo noong Sabado.
Sinabi ni Nartatez na ang mga volcanic material ay maaaring makaantala sa humanitarian efforts matapos ang naitalang pyroclastic density current noong May 2.
“Our personnel are already on the ground since Day 1 of the volcano activity and we are continuously supporting cleanup operations in coordination with local government units and other agencies,” saad ni Nartatez.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Marcos sa lahat ng ahensya ng gobyerno na unahin ang paglilinis ng mga kalsada at abo upang maprotektahan ang kalusugan ng mga residente.
Pinanatili rin ng PNP ang presensya ng mga pulis sa mga kalsadang madulas dahil sa abo at halos zero visibility. Gumamit ang mga opisyal ng patrol lights at real-time advisories upang gabayan ang mga motorista palayo sa mapanganib na lugar.
Bukod dito, kinumpirma ni Nartatez na ang mga mobile unit ay may mga espesyal na search and rescue tools at malalakas na ilaw para sa operasyon sa gabi. Ayon sa kanya, nakakatulong ito upang makapag-operate ang mga team sa mga lugar na mahirap marating dahil sa naipong abo.
“We have mobilized sufficient personnel and resources to ensure that every affected barangay feels the police presence. Our response time reflects our commitment to ‘zero casualty’ and public safety,” aniya. RNT/MND