Home HOME BANNER STORY Road repairs sa Maharlika highway, tatapusin bago Semana Santa

Road repairs sa Maharlika highway, tatapusin bago Semana Santa

168
0

TACLOBAN CITY — Inatasan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang mga field personnel ng ahensya na tapusin ang mga road reblocking works sa Maharlika Highway bago sumapit ang Holy Week.

Sa panayam sa mga mamamahayag nitong Martes, sinabi ni Dizon na inutusan ang mga inhinyero na tiyaking bukas ang dalawang lane ng highway at maalis ang mga hadlang sa kalsada bago ang inaasahang pagdagsa ng mga biyahero.

“The Maharlika needs to be completed before Holy Week – from Quezon, Bicol, Samar to Leyte,” ani Dizon. “I came here to make sure our regional director will deliver and that ongoing projects are finished quickly since Holy Week is only three weeks away.”

Inatasan din niya ang mga inhinyero na huwag bakbakin o alisin ang mga sirang kongkretong kalsada kung hindi kayang kumpunihin ng mga contractor ang mga ito bago ang Holy Week mula Marso 29 hanggang Abril 5.

Ayon kay Dizon, ang mabilisang pansamantalang pagkukumpuni ay makatutulong upang maiwasan ng mga motorista ang halos pitong oras na biyahe sa ilang bahagi ng highway sa pagitan ng Samar at Leyte.

Batay sa tala ng DPWH regional office, may P332.54 milyong halaga ng reblocking projects na pinondohan sa ilalim ng 2024 regular budget na patuloy pang isinasagawa sa mga bayan ng Motiong, Jiabong, Paranas, Pinabacdao, at Sta. Rita.

Ang inspeksyon noong Marso 9 ang ikalawang pagbisita ni Dizon sa Samar bilang pinuno ng DPWH. Noong Pebrero 1 at 2, ininspeksyon niya ang bahagi ng highway mula Northern Samar hanggang San Juanico Bridge, na nag-uugnay sa mga isla ng Samar at Leyte.

Napansin din ni Dizon ang pagbuti ng kondisyon ng kalsada kumpara sa kanyang naunang pagbisita, at sinabi na ang biyahe mula Northern Samar hanggang Tacloban City ay tumatagal na lamang ng limang oras mula sa dating pitong oras.

Plano rin ng DPWH ang malawakang rehabilitasyon ng Maharlika Highway ngayong taon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang pagpapabuti sa pangunahing highway network ng bansa.

Ang rehabilitasyon ng Maharlika Highway sa Eastern Visayas ay itinuturing na prayoridad na proyekto ng pamahalaan dahil bahagi ito ng transport corridor na nag-uugnay sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here