Home NATIONWIDE Road, transport networks kontra supply disruptions sa El Niño, pinaigting ni PBBM

Road, transport networks kontra supply disruptions sa El Niño, pinaigting ni PBBM

1
0

PAMPANGA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes na pinapahusay ng pamahalaan ang mga kalsada at sistema ng transportasyon upang matugunan ang mga problema sa logistics at maiwasan ang pagkaantala ng suplay sa harap ng banta ng “Super” El Niño.

Inihayag ito ng Pangulo sa pagbubukas ng United Parcel Service (UPS) Clark International Air Hub sa Pampanga noong Oktubre 15, na tinawag niyang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng logistics network ng bansa.

Ayon kay Marcos, umaabot sa 27 porsiyento ng halaga ng benta ang gastos sa pagdadala ng mga produkto sa Pilipinas, na kabilang sa pinakamataas sa Southeast Asia.

“We have to deal with congested ports, inadequate road networks and insufficient cold chain facilities contributing to delays, the increase in costs and ultimately, this affects the prices paid by our consumers,” ani Marcos.

Sinabi niyang nagtutulungan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr) upang mapahusay ang mga kalsada, tulay at sistema ng transportasyon, at mas mapadali ang pagdadala ng mga produktong agrikultural sa mga pantalan at negosyo.

“As we prepare for the effects of Super El Niño, our synergistic efforts become even more vital. By promoting the timely movement of food and other basic commodities, we can help prevent supply disruptions, ease pressure on prices, and ensure that necessities remain accessible to Filipino households,” dagdag niya.

Itinampok din ng Pangulo ang panukalang Subic-Clark-Manila-Batangas Railway na mag-uugnay sa mga pangunahing pantalan sa Subic, Maynila at Batangas sa pamamagitan ng pinagsamang freight network.

“These efforts are important steps forward. But we must also recognize that progress must be measured by whether Filipino consumers gain better access to the products that they need,” ani Marcos.

Inatasan din niya ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Department of Trade and Industry na mag-ulat tungkol sa bawat hindi pa natatapos na investment project sa Clark at magtakda ng petsa ng pagbubukas ng mga ito.

Ayon kay Marcos, kailangang matiyak na natatapos at nabubuksan sa takdang panahon ang mga proyektong ipinangako ng mga mamumuhunan. Hinikayat din niya ang mga investor na patuloy na makipagtulungan sa Pilipinas upang palakasin ang lokal at pandaigdigang koneksiyon sa logistics.

Ang bagong UPS hub ay may lawak na 30,000 metro kuwadrado, mahigit 15 beses na mas malaki kaysa sa dati nitong pasilidad sa Clark. Namuhunan ang kumpanya ng mahigit US$80 milyon para sa proyekto.

Dahil sa bagong pasilidad, tataas mula 5,000 tungo sa 46,000 ang karaniwang dami ng paketeng napoproseso kada araw. Tataas din mula 1,250 tungo sa 15,000 pakete kada oras ang pinakamataas na processing capacity nito.

Ayon sa UPS, nakalikha rin ang proyekto ng halos 600 bagong trabaho sa operasyon, seguridad, information technology at mekanika, na marami ay napunan ng mga residente ng Pampanga at karatig-lugar. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here