MANILA, Philippines – Nasagip ng Philippine National Police–Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ang 16 na biktima, kabilang ang 15 bata, at inaresto ang dalawang suspek sa magkahiwalay na operasyon laban sa umano’y online sexual exploitation of minors sa Rizal at General Santos City.
Isinagawa ang mga operasyon noong Oktubre 13 na nagresulta sa pag-aresto sa isang 20-anyos na babae at 36-anyos na lalaki, habang nasagip ang 15 bata at isang lalaking nasa hustong gulang.
Ayon sa pulisya, ang mga suspek ay mga magulang o malapit na kamag-anak ng mga biktima. Sila umano ang lumilikha o tumutulong sa pagpapakalat ng mga materyal na may kaugnayan sa seksuwal na pang-aabuso o pagsasamantala sa mga bata kapalit ng bayad mula sa mga dayuhang salarin.
Pinangunahan ng WCPC Anti-Trafficking in Persons Division ang operasyon sa Cainta, Rizal, habang ang Mindanao Field Unit naman ang nagsagawa ng operasyon sa General Santos City.
Nagsimula ang mga operasyon matapos makatanggap ng intelligence referrals mula sa United States Homeland Security Investigations (HSI) at mga awtoridad sa Netherlands sa pamamagitan ng Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC).
“We must pursue those responsible and work with our partners to ensure each victim’s safety and support their recovery,” pahayag ni WCPC chief Brig. Gen. Maria Sheila Portento nitong Huwebes.
Tumulong din sa operasyon ang National Coordination Center for Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Child Sexual Abuse or Exploitation Materials ng Department of Justice, International Justice Mission, at Project Rescue Children Philippines.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang mga cellphone at iba pang digital device na sasailalim sa forensic examination bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon at paghahanda sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso.
Maaaring maharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act, at iba pang naaangkop na batas.
Ini-refer ang 15 bata sa mga kinauukulang social welfare agency para sa medical assessment, psychosocial support, protective custody, at pangmatagalang serbisyo para sa kanilang paggaling.
“Every child rescued is a life we must continue to protect. Our responsibility does not end with rescue,” ani Portento. RNT/MDS