MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang nabuwag ang isang kilabot na roberry hold-up group matapos makorner at maaresto ang anim na katao kabilang ang lider nito sa ikinasang operasyon ng pulisya sa hideout ng mga suspek sa Barangay Sucol, Calumpit, Bulacan
Ito ay batay sa ulat kay Central Luzon Police Director Brigadier General Ponce Rogelio Peñones Jr.
Kinilala ng pulisya ang mga naarestong suspek na si Marvin Acosta, 19 anyos, lider ng tinaguriang “Marvin Acosta Robbery Hold-up Group”, mga kasama nitong sina alyas Glen, 18; Mark, 21; Alex, 42; Zander, 23; at Ashlie, 18 na pawang mga residente sa naturang lugar.
Sa report, inamin umano ng mga suspek na apat na araw pa lamang silang nag-ooperate, kung saan dalawang Gasoline Station ang kanilang naholdap na sa Baliwag City at Calumpit, Bulacan na natangayan ng mga ito ng hindi nabatid na halaga ng pera at mga cellphone.
Natuton ng mga awtoridad ang hideout ng mga suspek sa pamamagitan ng GPS ng isang iphone 11 na natangay mga suspek sa hinoldap na gasolinahan.
Nabawi sa.mga suspek ang mga cellphone na ninakaw ng mga ito sa mga hinoldap na gas station.
Narekober sa mga suspek ang isang blue Yamaha Sniper motorcycle at isang traysikel na pawang walang mga plaka na gamit ng mga ito sa kanilang operasyon.
Sa operasyon, nakumpiska rin sa mga suspek ang kalibre 45 na baril at mga bala, isang icepick, smith and wesson replica na baril at nasamsam din ang walong (8) pakete ng suspected shabu.
Nasa kustodiya na nang pulisya ang mga nadakip na suspek na nahaharap na sa patung-patong na kaso. ROEL TARAYAO