Home NATIONWIDE Robin sakop ng sub-judice rule; bawal magpahayag sa merito ng kaso vs...

Robin sakop ng sub-judice rule; bawal magpahayag sa merito ng kaso vs VP Sara – spox

1
0

MANILA, Philippines – Mahigpit na ipinagbabawal ng Senate Impeachment Rules na magsalita hinggil sa alinmang merito ng kaso laban kay Vice President Sara Duterte na ibig sabihin na magbigay ng anumang opinion o saloobin sa proseso ng paglilitis.

Ganito ang Pakahulugan ni Atty. Regie Tongol sa Rule 18 ng Senate Impeachment Rules nang tanungin kung sakop si Senator-judge Robin Padilla sa pagbabawal na magsalita sa merito ng kaso sa labas ng korte tulad nang ginawa nito sa Facebook.

Sa ginanap na press briefing kay Atty. Tongol, spokesperson ng Impeachment Court nitong Biyernes, tinanong ito kung sakop ng sub-judice si Padilla na nagbabawal magsalita sa merito ng kaso partikular ang pagtalakay ng senador sa orihinal na video o hindi sa pagbabanta ni Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Kapag binasa nyo po yung Rule 18 ng ating Senate Impeachment Rules, hindi po pinapayagan yung Senator Judges at saka po yung ating mga House Prosecutors at yung mga Defense Counsels at pati na rin po yung mga Private Counsels o Counsel for Prosecutors na magsalita ukol po sa merito ng kaso,” ayon kay Tongol.

“So yun po yung malinaw lang sa Senate Impeachment Rules. Hindi ko po sinasabing may paglabag si Senator Judge Robin, hindi po ako senador para mag-make ng determination pong gano’n,” sinabi ni Tongol.

Pero, kung may nakakitang paglabag, dapat umano isa sa senator-judges ang dapat maghain ng kuwestiyon sa plenaryo ng impeachment court kung ano ang ipapataw na parusa kung meron man o wala laban kay Padilla.

“So I think kung meron pong sentimyentong gano’n, it will be coming from one of the Senator Judges at baka pag napunta po tayo sa puntong yun, doon natin siguro malalaman kung medyo bibigyan lang ng paalala ng Presiding Officer yung ating mga Senator Judges,” dagdag pa niya.

“I don’t think iko-contempt of court naman ng ating Presiding Officer yung mga gano’n.”

Ngunit, nilinaw ni Tongol na sakop si Padilla at lahat ng indibiduwal na gumagalaw sa impeachment sa Rules 18 ng impeachment court partikular anmg sub-judice rule.

“Actually, mas covered sila (senator-judges). Kasi nga, alam naman nung gumawa ng Senate Impeachment Rules na this is going to be a political process at dahil political process siya, yung mga politicians, mga senador din ay maghahayag ng kanilang mga kuro-kuro ayon sa merito ng kaso,” giit ni Tongol.

Dagdag ng tagapagsalita, na kapag ginawa kasi nila yun, ang magiging impresyon sa nangyayari na proceeding sa korte ay hindi na magiging patas. Parang kanya-kanya na lang pala sila. Meron na pala silang predisposed na mga biases at saka prejudice.

“So parang magiging balewala na pala itong buong ginagawa na trial na ito. Kung makitaan sila ng any impropriety or any semblance of bias or prejudice,” aniya.

“Kaya pinag-iingatan po ng rules na magkaroon ng ganong impresyon po ang mga senator-judges para yung ating publiko ay hindi mawalan po ng respeto at hindi mawalan ng kumpiyansa po sa magiging desisyon ng impeachment court at makita ito na isang fair at unbiased at impartial na isang tribunal po,” giit ng tagapagsalita. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here