HINDI na sikreto sa lahat ang ambisyon ni Speaker Martin Romualdez na tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa 2028. Malinaw naman ito sa sunod-sunod na press release, media blitz, at pa-photo ops na nagaganap sa House of Representatives sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Wala namang masama kung mangarap. Pero ang problema, habang siya’y abala sa ‘pangangampanya’, ang Kongreso na dapat niyang pinamumunuan ay tila nawawalan ng direksyon.
Sa ilalim ng kanyang liderato, ang Kamara ay binansagang “House of Crocs”. Hindi ito dahil sa sapatos ha?, kundi dahil ito sa ‘perception’ ng taumbayan sa pagwaldas ng pondo ng bayan at brasuhan sa pagkakapwesto diyan sa Kongreso.
Maraming mambabatas na ang tahimik na lumalayo dahil dismayado na sila sa direksyon ng pamunuan ni Speaker. Talamak na rin kasi ang pamumulitika, gaya ng ‘budget insertions’ para sa mga kaalyado, at ‘purging’ sa mga hindi kaalyado.
Pero ang mas apektado ay ang mga proyekto ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos. Habang ang Pangulo ay sinusubukang ayusin ang ekonomiya, magkaroon ng magandang relasyon sa ibang bansa, at ibalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno, may gulong nagaganap sa sariling bakuran. Itong gulo na ito ay hindi gawa ng oposisyon, kundi ng sariling kapamilya.
Ang impeachment drama, ang bangayan sa Senado, at ang tila pagkakawatak-watak ng Kongreso, lahat ito may iisang ugat. At habang pinalalalim ang intriga at pinapalakas ang sariling imahe, unti-unti namang humihina ang imahe ng pamahalaan sa mata ng publiko.
Ang tanong ngayon, hanggang kailan ito titiisin ng mga tunay na kaalyado ng Pangulo? Kailan hihinto ang palusot at sisihan, at sabihing ‘tama na’?
Dahil sa huli, hindi lang ambisyon ng isang tao ang nakataya. Ang kinabukasan ng isang administrasyong naghahangad ng “Bagong Pilipinas” ay maaaring masira. Ang masaklap dito ay hindi ito kagagawan ng kalaban, kundi ng sariling kakampi.






