Home NATIONWIDE Romualdez ‘di tatakbo sa 2028 elections – House spox

Romualdez ‘di tatakbo sa 2028 elections – House spox

MANILA, Philippines – Hindi tatakbo si House Speaker Martin Romualdez sa 2028 elections, ayon kay House Spokesperson Princess Abante.

Ito ang sagot sa mga patutsada ni Senator Imee Marcos habang nasa Malaysia kasama si Vice President Sara Duterte at iba pang kritiko ng administrasyon.

Depensa ni Abante, hindi naghahangad ng publicity si Romualdez at inuuna niya ang serbisyo publiko kaysa pansariling interes.

“Hindi siya nagpapakita sa media para magpasikat. Wala siyang presscon para magpabango. Hindi siya gumagamit ng TikTok o vlogs para magpa-cute. Ang inuuna niya ay serbisyo, hindi sariling interes,” ani Abante.

Aniya, kilala si Romualdez sa paggawa ng mahihirap at di-popular na desisyon — hindi ugali ng isang nagpaplanong tumakbo sa halalan.

Tinatanong din ni Abante kung bakit paulit-ulit na binabanatan si Romualdez gayong wala naman ito sa mga survey ng posibleng kandidato. Baka raw ginagamit lang siya para magpasikat o mang-bastos.

“At ito po ang tanong: Hindi ba kayo nagtataka kung bakit pilit nilang pinupuntirya ang isang taong hindi naman lumalabas sa survey bilang kandidato sa 2028? Baka naman ginagamit lang nila si Speaker — para mang-bastos, para magpatawa, o para magpakitang-tao sa publiko,” aniya pa.

Sa huli, sinabi ni Abante na habang abala ang iba sa pagpapatawa at pulitika, tahimik ngunit seryoso sa trabaho ang Kamara — at hindi raw sila pipikit sa harap ng katiwalian. RNT