MANILA, Philippines – Muling haharap sa mga pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si dating House Speaker Martin Romualdez hinggil sa umano’y maanomalyang mga flood control project sa susunod na linggo, sinabi ni executive director Brian Keith Hosaka nitong Biyernes.
Sinabi ni Hosaka na ang ICI ay nagtakda ng isa pang pagdinig kay Romualdez para sa Miyerkules, Oktubre 22. Ito ang ikatlong beses na haharap ang mambabatas sa komisyon.
Bumisita si Romualdez sa opisina ng ICI sa Taguig noong nakaraang linggo para dumalo sa mga closed-door hearing ng komisyon.
Ayon kay Hosaka, walang binanggit na personalidad ang dating pinuno ng Kamara sa diumano’y iskema ng katiwalian sa kanyang affidavit ngunit pinangalanan ang ilang mambabatas na diumano’y sangkot sa pagbuo ng pambansang badyet. Itinanggi rin ni Romualdez ang pagtanggap ng mga kickback mula sa mga flood control projects.
Sinabi ng ICI na ipapatawag nito ang mga pinangalanang indibidwal, ngunit sinabi ni Hosaka na maaari pa rin itong talakayin ng komisyon.
Sa pagharap sa komisyon, si Romualdez, isa sa mga mambabatas na inissuehan ng subpoena ng ICI para dumalo sa mga pagdinig, ay nanindigan na ‘wala siyang dapat itago.’
Nagpahayag din siya ng pagpayag na ilabas ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at sinabi niyang handa siyang dumalo sa mga pagdinig ng ICI kung aanyayahan siyang muli. RNT/MND