MANILA, Philippines – Naghain sa Sandiganbayan ang kampo ni Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez ng mosyon upang manatili muna siya sa Cardinal Santos Medical Center matapos maisilbi sa kanya ang warrant of arrest.
Ayon sa siyam na pahinang manifestation, patuloy na nagpapagamot si Romualdez dahil sa kanyang cardiac history at iba pang iniindang karamdaman. Nasa pangangalaga rin siya ng mga cardiologist, neurologist at psychiatrist.
Kabilang sa mga iniulat na kondisyon ni Romualdez ang cardiovascular disease, unstable angina, coronary artery disease, diabetes, hypertension, dyslipidemia at hypothyroidism.
Hiniling ng kanyang kampo na manatili siya sa ospital hanggang maaari na siyang mailipat, at maaprubahan ang custody and security protocol habang nasa pangangalaga ng ospital.
Binigyang-diin din ng kanyang mga abogado na ang pagsisilbi ng warrant sa ospital ay hindi nangangahulugan ng pagpayag sa omnibus motion na inihain noong Setyembre 7, 2026. Meliza Maluntag







