MANILA, Philippines – Itinuturing na “flight risk” si dating House Speaker Martin Romualdez matapos arestuhin kaugnay ng plunder case dahil sa kanyang mga ari-arian, kabilang ang mga pribadong eroplano at yate, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Sinabi ni Remulla na may dalawang private jet, tatlong helicopter at tatlong yacht si Romualdez.
“He is a flight risk. Gagawin namin ang lahat ahead of time para preemptive ang kanyang containment dito,” ani Remulla.
Nananatili si Romualdez sa isang pribadong ospital sa San Juan City habang nagpapagamot. Bilang person deprived of liberty, mahigpit ang pagbabantay sa kanya.
“24/7, two armed guards sa labas ng kuwarto niya. Meron kaming armed guards sa lobby at meron rin kaming mobile patrol na naghihintay sa labas ng ospital,” ani Remulla.
Ayon sa kalihim, ililipat si Romualdez sa PNP General Hospital sa Camp Crame kapag pinayagan ng Sandiganbayan at kapag matatag na ang kondisyon nito. Patuloy pa rin siyang susuriin araw-araw ng mga doktor.
“As soon as he is fit and able to appear in court, dadalhin na namin po siya,” ani Remulla.
Sinabi rin ni Remulla na walang utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa medical treatment ni Romualdez.
“Hindi lang magpinsan ‘yan, magkapatid ‘yan. Walang kapatid na lalaki si President so ito na ang pinakamalapit na pinsan niya. Kung akala niyo madali para sa kanya, hindi. Kung tinatanong niyo may instructions para sa treatment sa kanya wala, zero,” ani Remulla.
Itinanggi rin niyang may special treatment si Romualdez at iginiit na susundin ng mga awtoridad ang utos ng korte.
“Wala ho kaming iniilagan dito, wala hong kaibigan, wala hong fraternity brother, wala hong pinsan si Presidente. Ang batas ang batas, ang utos ng korte ay susundin namin.” RNT/MDS