MANILA, Philippines – Inilahad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ihahain ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman ang lahat ng impormasyon na nagdudugtong kina dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dating Ako Bicol Representative Zaldy Co sa umano’y iregularidad sa mga flood control project.
Sa isang video nitong Biyernes, ibinunyag ng Pangulo na tapos na ang ICI at ang Department of Public Works and Highways sa pagkuha ng mga datos, at ito’y kanilang isusumite para sa pormal na imbestigasyon.
“Nais kong ipaalam sa ating mga kababayan na ang ICI at tsaka ang DPWH ay lahat ng nakuha nila na impormasyon ay i-rerefer, ibibigay na sa Ombudsman para imbestigahan… Ito ay tungkol sa mga impormasyon ng dating Speaker Martin Romualdez at tsaka ni Zaldy Co,” sinabi ni Marcos.
“Kapag nakita ang lahat ng ebidensya, baka mag-file ng kasong plunder, o anti-graft, o indirect bribery. Malakas naman ang loob natin na yung ombudsman, ang ginagawa lamang ay sumusunod sa ebidensya. At kung saan tayo dinadala ng ebidensya, doon pupunta ang ating imbestigasyon,” dagdag pa ni Marcos.
Itinanggi ni Romualdez ang alegasyon ng mga contractor na may naniningil umano ng komisyon sa flood control projects, at sinabi niyang nananatiling “clear” ang kanyang konsensya.
Si Co naman ay nauna nang nagbintang na sina Marcos, Romualdez at ilang miyembro ng Gabinete ang nasa likod ng umano’y P100-bilyong budget insertions—isang pahayag na agad pinabale-wala ng Pangulo. “I don’t want to even dignify what he was saying,” sabi niya. RNT