Home NATIONWIDE Roque na sangkot sa ‘Polvoron’ video ni PBBM: Malakanyang ‘di na nagulat

Roque na sangkot sa ‘Polvoron’ video ni PBBM: Malakanyang ‘di na nagulat

MANILA, Philippines – HINDI na bago ang alegasyon na si dating presidential spokesman Harry Roque ang nasa likod ng pagpapakalat ng tinatawag na “polvoron video” umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Hindi na po bago ito sa pananaw ng taumbayan kung sino ba talaga ang utak o nagpakalat ng fake polvoron video na ‘to,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Pinalalabas kasi sa nasabing video na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot si Pangulong Marcos.

“Hindi na ito bago at buti na lamang may isang tao na dati nilang kaalyado na sinabi na si Atty. Harry Roque ang nagpakalat. Even before nakita natin ito sa kanilang rally sa Vancouver, Canada. Siya mismo, si Atty. Harry Roque ang nag-utos pa sa ibang mga kaalyado nila na ipakalat at sinabi pa nga niya sigurado na ang Pangulo daw ang nasa video,” ang sinabi ni Castro.

“Kung inyong mare-recall ang kaniyang mga sinabi doon sa Vancouver, Canada o iyong kaniyang mga sinabi noong sila ay nasa panahon na balak na ipakalat itong video na ito. At sa mga previous statements din niya, sa mga interviews sinabi niya nga na ang naging daan dito para sa video na ito ay ang kasamahan niyang si Maharlika. Pinasalamatan niya ito na it was made possible by Maharlika, this video,” dagdag na wika nito.

Winika pa ni Castro na hindi lingid sa kaalaman ng Palasyo ang bagay na ito.

Kaya nga aniya ang Polvoron video ay iniimbestigahan at sinusuring mabuti ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).

Nagkaroon na rin aniya ng factcheck at nagsagawa na rin aniya ng panibagong pag-iimbestiga kung ito ay tunay o hindi pero napatunayang manipulated ang sinabing video at may face swap.

Ito aniya ay galing din sa ebalwasyon na bahagi ng India-based Misinformation Combat Alliance.

At sa tanong kung mayroong legal action ang Malakanyang, ang naging tugon ni Castro ay “Nakausap po natin ang Pangulo at sinabi po niya na hayaan na lang po natin ang ating mga law enforcement agencies – ang NBI, ang DOJ na magsagawa ng pag-iimbestiga patungkol dito. At kung mayroon dapat na managot, kung napakita talaga ang liability ng kahit sino diyan na involve ay dapat lamang po siguro masampahan ng kaso kung ito po ay makikita naman po ng DOJ at ng NBI.”

Nauna rito, inakusahan ng isang social media influencer si Roque na nasa likod umano ng kontrobersyal na deep fakes video na nagpapakita ng diumano’y paggamit ng illegal na droga ni Pangulong Marcos.

“Ako ay naniniwalang si Atty. Roque ang orihinal na pinagmulan ng polvoron video at siya ang nagpakalat nito sa publiko upang sirain ang kredibilidad ng Pangulo,” ayon sa isinumiteng affidavit ni Vicente Bencalo “Peebles” Cunanan sa pagdinig ng House Tri-Comm, araw ng Martes.

“Ang labis ko ding natandaan noong gabing iyon ay nang sabihin ni Atty. Roque na ‘Maga­ling ako magpabagsak ng gobyerno,” wika ni Cunanan.

“Base sa pagkaintindi ko, at dahil iyon ang isa sa mga pinag-usapan ng gabing iyon, ang pagpapakalat ng video na kung saan gumagamit diumano ng cocaine si PBBM ay parte ng sinasabi ni Atty. Roque na pagpapabagsak ng gobyerno,” paliwanag pa nito.

Isiniwalat pa ni Cunanan na ang nangyaring private dinner noong Hulyo 7, 2024 sa Hong Kong ay isinagawa matapos ang pro-Duterte event o ang Maisug Rally kung saan dumalo si Roque, dating executive secretary Vic Rodriguez at influencers Atty. Glen Chong, Atty. Trixie Cruz-Angeles, Dr. Lorraine Badoy, Sass Rogando Sassot, Joie de Vivre at Tio Moreno.

Sa nasabing dinner, sinabi umano ni Roque na natanggap nito ang screenshot mula sa isang kamag-anak ng isang pulitiko kung saan isang lalaki ang pinalabas na si Pangulong Marcos sa paggamit ng cocaine.

Pinag-usapan din umano ng grupo ng nasabing gabi kung paano ipakakalat ang video sa publiko na hindi dapat ma-expose ang kanilang pananagutan.

“Nagkaroon ng mga diskusyon tungkol sa pagpapakalat ng video na ito sa publiko. Ayon sa aking rekoleksyon, mayroon pa ngang naging usapan na isang foreign influencer o vlogger ang dapat mag-post o panggalingan ng video para magmukhang mas kapani-paniwala at upang maiwasan ang anumang posibleng pananagutan mula sa gob­yerno ng ating bansa,” sabi pa ni Cunanan.

Ang Tri-Comm na binubuo ng Committees on Public Order and Safety, Information and Communication Technology at Public Information ay nagsasagawa ng pagdinig tungkol sa fake news at misinformation sa social media. Kris Jose