MANILA, Philippines – Matagumpay na nakumpleto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang rotation and resupply (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong Marso 4, 2025, nang walang anumang insidente, ayon sa kanilang pahayag noong Miyerkules.
Ayon sa AFP, naisagawa ang misyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard, na nagpapatibay sa kanilang dedikasyon na suportahan ang mga tropang nakatalaga sa West Philippine Sea at pangalagaan ang soberanya at karapatan ng Pilipinas.
Ayon kay Colonel Xerxes Trinidad, hepe ng AFP public affairs office, ito na ang ikalimang sunod-sunod na RoRe mission na naisakatuparan nang walang aberya, matapos ang mga misyon noong Hulyo 27, 2024; Setyembre 27, 2024; Nobyembre 15, 2024; at Enero 24, 2025.
Bagamat may presensya ng ilang barko ng China sa nasabing lugar, natapos ang operasyon nang walang anumang komprontasyon.
Samantala, sinabi ng China Coast Guard na minonitor nito ang isang sibilyang barko ng Pilipinas na naghahatid ng suplay sa tinawag nitong “iligal na nakahimpil” na barko sa Second Thomas Shoal, at nanawagan sa Pilipinas na makipagtulungan sa maayos na pamamahala ng sitwasyon sa karagatan.
Ang Ayungin Shoal, na matatagpuan 105 nautical miles sa kanluran ng Palawan at sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, ay patuloy na sentro ng alitan sa teritoryo. Ang BRP Sierra Madre, na nakahimpil doon mula pa noong 1999, ay nagsisilbing simbolo ng soberanya ng Pilipinas.
Sa kabila ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong 2016 na kumiling sa Pilipinas at itinanggi ang malawak na pag-angkin ng China sa South China Sea, patuloy na hindi kinikilala ng Beijing ang nasabing desisyon. Santi Celario