BASILAN – Dalawang sundalo ang nasugatan sa isang pagsabog sa patrol base ng Basilan province noong Martes ng hapon, ayon sa ulat ng pulisya nitong Miyerkules.
Ayon kay Col. Cerrazid Umabong, direktor ng Basilan police, naganap ang insidente bandang 4:10 ng hapon sa patrol base ng 45th Infantry Battalion (45IB) sa Barangay Bohelebung, bayan ng Tipo-Tipo. Kinilala ang mga nasugatang sundalo na sina Pvt. Danny Boy Maravillas at Pvt. Jelmer Alalag, kapwa miyembro ng 45IB.
Batay sa paunang imbestigasyon, nililinis ng mga sundalo ang paligid ng base at nagsusunog ng mga tuyong dahon nang aksidenteng sumabog ang isang 40-millimeter ammunition mula sa M-203 grenade launcher.
Agad na dinala ang dalawa sa Lamitan District Hospital at nakatakdang ilipad patungo sa Camp Navarro General Hospital ng Western Mindanao Command (Westmincom) sa Zamboanga City para sa karagdagang gamutan.
Matapos ang insidente, nagpadala ang 101st Infantry Brigade ng Explosive Ordnance Team upang tiyakin ang kaligtasan ng lugar at mangalap ng ebidensya para sa masusing imbestigasyon. RNT