Home NATIONWIDE Rosal patuloy sa paghina; pero malakas na ulan, baha banta sa N....

Rosal patuloy sa paghina; pero malakas na ulan, baha banta sa N. Luzon

1
0

MANILA, Philippines – Patuloy na humihina ang Bagyong Rosal habang kumikilos palayo sa Batanes, ngunit nananatili ang banta ng malakas na ulan, pagbaha at malalakas na hangin sa ilang bahagi ng Northern Luzon, ayon sa PAGASA.

Sa 11 p.m. bulletin nitong Huwebes, Oktubre 22, namataan ang sentro ng Rosal sa layong 305 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.

Taglay nito ang lakas ng hanging 155 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 190 kph. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 10 kph.

Nananatili sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang Batanes at hilagang-silangang bahagi ng Babuyan Islands.

Signal No. 1 naman ang nakataas sa natitirang bahagi ng Babuyan Islands, mainland Cagayan, hilagang-silangang bahagi ng Isabela, Ilocos Norte at Apayao.

Patuloy ding nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng pag-ulan, lalo na sa mabababang lugar, malapit sa mga ilog at mga lugar na dati nang nakaranas ng malakas na ulan.

Inaasahang pinakamalapit ang Rosal sa Extreme Northern Luzon hanggang Biyernes ng umaga bago unti-unting kumilos pahilaga.

Posible itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Biyernes ng gabi o madaling araw ng Sabado.

Nagbabala rin ang PAGASA sa mapanganib na kondisyon ng karagatan sa Northern Luzon, kung saan maaaring umabot sa 12 metro ang taas ng alon sa hilaga at silangang baybayin ng Batanes.

Pinapayuhan ang publiko at mga lokal na pamahalaan na patuloy na bantayan ang mga abiso ng PAGASA at agad sumunod sa evacuation at iba pang safety instructions kung kinakailangan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here