PINAG-AARALAN natin ang ilang pagkakaiba ng P144 bilyong Disbursement Acceleration Program o DAP ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong 2011-2013 at ang P632B mga bahagi ng General Appropriations Act o GAA mula noong 2024 hanggang ngayong taong 2026 sa ilalim ni Pang. Bongbong Marcos.
Parehong idineklara ng Supreme Court (SC) en banc ang mga ito na labag sa Konstitusyong 1987.
Kumulo ang kasong DAP at pinagbalingan ito sa gitna ng umaapoy noon na iskam sa Priority Development Assistance Fund na itinuring noon na pork barrel fund na pinagkikikbakan ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Naglagablab naman ang problema sa GAA simula nang maungkat ang mga iskam sa flood control projects na umabot umano sa P1.3 trilyon.
MGA DAPAT MANAGOT
Sa kasong DAP at sa kasong GAA, parehong sinasabi ng Hukuman na dapat may managot nang kriminal, sibil at administratibo.
Sa DAP, pinangalanan bilang pangunahing arkitekto at dapat managot sina Aquino at noo’y Budget Secretary Florencio Abad nina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justice Arturo Brion sa kanilang mga separate concurring opinion.
Sa GAA, walang pinangalanang dapat managot.
Subalit pareho ang mga desisyon na nagsabing ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na mag-iimbestiga ang tunay na makapagtuturo kung sino ang mga dapat na managot.
Mananagot sa mga kasong kriminal, sibil at administratibo ang mga awtor, nagpanukala at nagpatupad ng DAP at GAA.
MGA KASO
May mga kaso namang isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay ng DAP ngunit na-dismiss o napawalang-saysay lahat.
Sa mga kaso sa GAA, may unti-unting nakukulong at pinakamalaki sa kanila ngayon si ex-Speaker Martin Romualdez.
Gayunman, malaking katanungan kung sa huling mga araw, lalaya sa kulungan ang ngayo’y mga nakakulong .
Higit na malaking katanungan, may mas malaki o malalaki umano kina Romualdez ngunit hindi nakakanti at iniiwas na kantiin kahit pa ng mga nagsasabing graft buster sa Kamara at Senado.
Kung may mga kinakanti man, ang mga kontra-politiko sa administrasyon na tinatadtad ng mga imbestigasyon, paratang at mga kaso.
SA SUSUNOD NA ADMINISTRASYON NA LANG
Sa ngayon, sinasabi ng higit ng nakararaming mamamayan na wala nang pag-asa sa mga panahong ito para panagutin ang mga dapat managot sa mga abot-langit na iskam sa pondong bayan.
At umaasa na lang sila na sa susunod na administrasyon na lamang magkaroon ng hustisya.
‘Yan ay kung mauupo ang inaasahan nilang magliligtas sa bayan mula sa matitinding iskam o korapsyon.
May problema nga lang.
Habang umaasa ang mga mamamayan ng pagbabago at pagkamit ng katotohanan at hustisya sa mga darating na panahon, halimbawa, makaraan ng halalang presidensyal sa 2028, may gumagawa naman ng mga paraan na magpatuloy sa kanilang inuupuan o pwesto ang mga awtor, nagpanukala at nagpapatupad ng maiiskam na GAA 2024, 2025 at 2026.
Naririyan ang naunsiyaming People’s Initiative para sa amyenda ng Kontitusyon para sa pagpapalawig ng termino ng mga nakaupo at pagbuwag sistemang presidensyal.
May mga impeachment laban kay Marcos na nadiskaril habang nagpapatuloy ang kay Vice President Sara Duterte.
Naririyan ang mga kasong isinasampa ng Department of Justice at Office of the Ombudsman, partikular sa mga nasa opsisyon ngayon.
O paano?






