Home OPINION ₱449.5-B SA UNPROGRAMMED APPROPRIATIONS: MAGKANO NAPUNTA SA MALETA?

₱449.5-B SA UNPROGRAMMED APPROPRIATIONS: MAGKANO NAPUNTA SA MALETA?

1
0

LABAG sa diwa ng Saligang Batas ang mga probisyon ng 2024 General Appropriations Act na nagbigay-daan sa pagtaas ng kabuuang inirekomendang appropriations ng Pangulo sa pamamagitan ng ₱449.5 bilyong unprogrammed appropriations. Ang ganitong kalaking halaga ay hindi basta-bastang maaaring palampasin nang walang malinaw na paliwanag.

Nasaan na ang bilyon-bilyong pisong ito? Saan ginamit? May sapat bang dokumento upang patunayan kung paano ginastos ang bawat piso? At sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian, magkano kaya ang napunta sa mga bulsa ng mga taong nasa kapangyarihan?

Ayon sa Korte Suprema, ang unprogrammed appropriations ay hindi awtomatikong labag sa Konstitusyon. Gayunman, kailangan ang malinaw na limitasyon at mahigpit na pananggalang upang mapanatili ang disiplina sa pananalapi, transparency, at accountability. Kung walang sapat na kontrol at malinaw na pag-uulat, nalalagay sa panganib ang kaban ng bayan.

Pera ng taumbayan ang pinag-uusapan dito, hindi personal na pondo ng mga nakaupo sa pwesto. Kaya nararapat lamang na malaman ng publiko kung saan napunta ang bilyun-bilyong pisong inilaan sa ilalim ng naturang batas.

Abala ang ilang mambabatas sa usapin ng impeachment laban kay VP Sara Duterte at sa mga alegasyon kaugnay ng kanyang unexplained wealth. Ngunit paano naman ang mga tanong tungkol sa napakalaking unprogrammed appropriations? Hindi ba dapat ding siyasatin kung may iregularidad sa paggamit ng pondong ito at kung may sinomang dapat managot?

Kung may batayan upang busisiin ang yaman ng isang opisyal, dapat ding maging bukas sa pagsusuri ang paggamit ng pondo ng pamahalaan. Walang dapat piliin sa pagbusisi, at walang dapat iligtas dahil lamang sa posisyon o impluwensiya.

Maraming bumabatikos sa 2024 budget at itinuturing itong isa sa pinakakontrobersiyal na badyet sa kasaysayan. Ngunit hindi sapat ang bansag na ito. Kailangan ang kongkretong ebidensya, masusing imbestigasyon, at pananagutan ng sinomang mapatunayang lumabag sa batas.

Salamat kay Cong. Edcel Lagman—bless his soul—na nagdala ng laban para sa interes ng bayan. Hindi niya man naabutan ang tagumpay na ito, mahalaga ang kanyang ambag sa paghahanap ng katotohanan.

Salamat sa Korte Suprema. Ngunit hindi rito nagtatapos ang laban. Dapat malaman ng taumbayan kung saan napunta ang kanilang pera at kung may sinomang nakinabang sa likod ng bilyon-bilyong pisong ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here