MULING pinairal ng Supreme Court ang doktrinang operative fact sa pagdedeklara nitong unconstitutional o labag sa Konstitusyon 1987 ang mga pambansang badyet o General Appropriations Act 2024, 2025 at bahagi ng 2026.
Sa doktrinang operative fact, ginagamit ng lahat ang mga salitang “nandiyan na ‘yan” at gagawa na lang ng paraan na mabawasan o mahinto ang masamang kinahihinatnan o epekto ng isang bagay.
Sa pondong bayan, pinahihinto na lang ang paglalabas ng natitira at pinahahanap ang dapat managot gaya ng mga “awtor, nagpanukala at nagpatupad” ng mga programa o proyekto.
Nang ideklara ng SC noong Hulyo 1, 2014 na unconstitutional ang P144 bilyong Disbursement Acceleration Program na itinuring na pork barrel ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, pinairal din nito ang doctrine of operative act.
Nagtagal ang DAP ng tatlong taon mula 2011 hanggang 2013.
Kabilang sa mga pinaggamitan umano ng DAP ang suhulang P50 milyon bawat senador para masibak sa pwesto sa bisa ng impeachment si dating Chief Justice Renato Corona noong 2011-2012.
Nasibak si Corona ngunit kabilang sa mga tumanggi sa suhol sina Senador Jinggoy Estrada at Ping Lacson.
Ayon sa SC, nandiyan na ang mga proyekto at alangan namang gibain, halimbawa, ang mga barangay health station na naitayo na noon, kaya pinairal ang doktrina.
Ngunit pinahanap ng Hukuman ang mga “awtor” at ilan sa mga Hukom ang nagsabing sina Aquino at Budget Secretary Florencio Abas na pangunahing arkitekto ngunit walang anomang imbestigasyon at kaso laban sa kanila.
Ngayon nga ay pinairal muli doktrina sa mahigit P600 bilyong scam sa 2024, 2025 at 2026 GAA, pinakamalaki rito ang flood control.
May maghahabol ba sa mga awtor, nagpanukala at nagpatupad ng scam ngayong administrasyon?
Kung wala, inaabuso na ang doctrine of operative fact at ginagamit pa sa kikbakan.






