Manila, Philippines- Pinuntahan ni Rufa Mae Quinto si Willie Revillame sa show nitong Wil To Win para magpapasalamat dahil sa ipinaabot nitong financial help sa kanya.
Sa kanyang Instagram account, nag-post ang komedyana ng larawan niya kasama si Willie kung saan makikitang nagkukuwentuhan at nagkakatawanan silang dalawa sa loob ng dressing room ng nasabing show.
“Thanks for making me happy Willie and for the ‘Help Help Hooray.’ Thanks to myself for visiting Wil to Win. Watch me today for the hi hello,” caption ni Rufa
At nu’ng nasa show na si Rufa, sabi niya sa mga manonood, “Magandang-magandang hapon po. Welcome to me, yes,”
Ikinuwento rin niya ang dahilan kung bakit siya dumalaw kay Willie at ang pagbibigay tulong nito sa kanya.
Nakatanggap siya ng isang milyong piso mula kay Willie bilang tulong, matapos ang kanyang pagpapyansa ng P1.7 million kaugnay sa patung-patong na kasong isinampa laban sa kanya.
Sabi ni Rufa, “Maraming salamat for giving me help, help, hooray! Hindi lang po kayo ang tinulungan niya, kundi pati ako.”
Ani Rufa Mae, malaking bagay ang pagpayag ng korte na magkaroon siya ng pansamantalang kalayaan.
“Siyempre nagpapasalamat ako sa Diyos, nagdasal po ako. Sa NBI, sa press, hindi nila ako pinatakas. Talagang bawal ang eskapo. Hindi naman ako nakulong kasi nakapag-bail ako. Ngayong bilbil na lang!” natatawang sabi niya
“Pero okay na yon, positivity na lang. Ang importante, binigyan niya [Willie] ako ng cash, pangsimula muli,” aniya pa.
Naikuwento naman ni Willie na aksidente ang naging pagkikita nila ni Rufa sa isang restauarant.
“Kumain kami nu’ng anak kong si Juamee sa isang restaurant, e, walang silya kaya bumaba kami. So, nakita ko siya, may mga kasamang abogado, may mga pulis, may posas,” pabirong sabi ni Willie.
Matatandaang noong January 9 nang hapon, ay nakapagpiyansa si Rufa Mae para sa kinakaharap na kaso kaugnay ng mga reklamong isinama sa kanya ng mga investors ng beauty clinic na kanyang iniendorso.
Umabot sa P1.7 million ang total na binayaran niya para sa kanyang pansamantalang kalayaan. Rommel Placente