Home NATIONWIDE ES Bersamin: Maaga pa para magkomento sa plano ni VP Sara para...

ES Bersamin: Maaga pa para magkomento sa plano ni VP Sara para sa 2028 polls

MANILA, Philippines- Masyado pang maaga at hindi pa napapanahon para mag-react ang Malakanyang hinggil sa posibilidad na pagtakbo ni Vice President Sara Duterte sa 2028 presidential elections.

“I think it’s too premature but it’s her privilege,” ang tugon ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa isang ambush interview sa isinagawang media launch ng Department of Budget and Management (DBM) sa Open Government Partnership Asia and the Pacific Regional Meeting 2025 sa DBM Central Office, Boncodin Hall, San Miguel, Manila, araw ng Huwebes, Enero 15.

Ang sagot ni Bersamin ay matapos tanungin ukol sa umano’y plano ni VP Sara sa 2028 presidential elections..

Nauna rito, sa ulat, kinumpirma ni VP Sara na seryoso niyang ikinokonsidera ang pagtakbo sa 2028 national elections.

“We are seriously considering,” sagot ng bise presidente matapos na matanong ng isang OFW sa Japan hinggil sa posibilidad na tumakbo siya sa 2028 polls.

Nabatid na nagtungo si VP Sara sa Japan nitong weekend para sa isang private trip. Nakabalik na rin ito sa bansa.

“I really believe that our country will be great… mahirap siyang ipaintindi sa ating mga kababayan, mahirap ‘yung kailangan nating gawin kasi you really had to stand firm especially with government policies para maayos siya pero paniwala ko kung magkaisa lang ‘yung mga tao, alam natin kung saan tayo papunta, magagawa ng ating bayan,” dagdag niya.

Sa naturang pagbisita, binisita rin at kinausap ni VP Sara ang ilan sa mga grupo ng OFWs doon.

Hindi naman umano binanggit ng bise presidente kung ano ang posisyong pinag-aaralan niyang takbuhan sa 2028.

Matatandaang pinanawagan ng mga taga-suporta at kaalyado ni Duterte na tumakbo itong Pangulo ng Pilipinas.

Samantala, balak umano ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo na patakbuhin si Senador Robin Padilla bilang presidente sa 2028 sakaling hindi tumakbo si Duterte. Kris Jose