MANILA, Philippines — Inaresto ang isang 22-anyos na Russian national matapos sumikat sa TikTok ang video niya kung saan siya ay nagmumura at sinasabing magpapalaganap siya ng HIV sa Pilipinas.
Makikita sa video ang lalaki na naglalakad sa Bonifacio Global City at binibigyang-diin na ipapakalat niya ang nasabing sakit.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) at natagpuan ang banyaga sa isang condominium sa Barangay Sto. Cristo, Quezon City dakong 3:40 ng hapon nitong Miyerkules, Enero 21, ayon kay BI-FSU chief Rendel Sy.
Ayon sa imbestigasyon, dumating ang Russian national sa Pilipinas noong Enero 15.
Dadaan siya sa booking at documentation procedures bago dalhin sa Bureau of Immigration Warden’s Facility.
Sinusuri ng BI kung may kriminal na rekord ang banyaga at kung wala, ihahanda na ang deportation nito. Dave Baluyot