MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na negatibo sa HIV ang isang Russian vlogger na naaresto dahil sa banta na sadya niyang ikakalat ang human immunodeficiency virus (HIV) sa Pilipinas.
Ayon sa BI, agad nakipag-ugnayan si BI Commissioner Joel Anthony Viado kay Health Secretary Ted Herbosa para sa medical examination ng vlogger na kinilalang si Nikita Chekhov, 21 taong gulang.
Inaresto si Chekhov noong Miyerkules sa Quezon City dahil sa bantang pagpapakalat ng HIV habang nandito sa Pilipinas.
Sumailalim si Chekhov sa HIV test noong Huwebes ng umaga, at kinumpirma ng mga medical personnel ng gobyerno na “he was nonreactive for HIV.”
Dagdag pa ni Viado, “He was likewise tested for other related illnesses, all of which yielded negative results.”
Dahil dito, sinabi ng BI na ang mga social media post ni Chekhov ay pawang “rage-bait” lamang o mga post na layong manakot upang mapataas ang online engagement.
“He now faces deportation charges for undesirability, as his social media posts caused fear and panic among the public,” ayon kay Viado.
Sa parehong pahayag, tinugunan din ni Viado ang mga post ng isa pang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy, na naglarawan sa kondisyon sa BI Warden Facility (BIWF) bilang “inhumane.”
Inakusahan ni Zdorovetskiy na may mga buntis at bata umanong nakakulong sa pasilidad, na itinanggi ni Viado at sinabing “false and misleading.”
“These videos are again rage-bait, using familiar tactics to generate views and online engagement,” sabi ni Viado.
Ibinunyag din ni Viado na ayon sa ulat ng BIWF personnel, isang dayuhan na kinilalang si Malik Dejoun Okojie, na kasama ni Zdorovetskiy sa video, “smuggled mobile phones concealed in supplies brought in by his Filipina wife.”
“Zdorovetskiy, who we consider as an undesirable alien, continues to post rage-bait content to generate income from Filipinos online. Regardless of these posts, he remains permanently barred from returning to the Philippines due to his violations,” ayon pa kay Viado.
Samantala, sinabi ng Malacañang na tatlong BI officials ang tinanggal sa puwesto matapos makapag-record pa rin ng mga video si Zdorovetskiy kahit nasa kustodiya na ng BI. RNT/MND