Home HOME BANNER STORY Beep Card na gumagamit ng 3G, inalis sa mga istasyon

Beep Card na gumagamit ng 3G, inalis sa mga istasyon

197
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng beep card na inalis na nito sa mga istasyon ng tren ang stored value updater (SVU) at express renewal devices (ERDs) dahil umaasa ang mga ito sa lumang 3G technology.

Ginagamit ang SVUs para makuha ang e-load na binili sa pamamagitan ng e-wallets at partner banks, habang ang ERDs naman ay nagpapahaba ng bisa ng beep card ng isang taon.

Inalis ang mga ito matapos i-phase out ng pamahalaan ang 3G networks sa pagtatapos ng 2025, dahil mas madali umanong maabuso ang lumang teknolohiya at ginagamit sa fraud, phishing, at espionage.

Ayon sa beep card, maaari nang gamitin ng mga pasahero ang beep mobile app para i-check ang balanse at kunin ang load transactions sa pamamagitan ng pag-tap ng card sa NFC-enabled smartphone.

“Alternatively, Ticket Vending Machines (TVMs and Point of Sale (POS) tellers in all stations remain available for all transactions,” ayon sa post ng kumpanya sa opisyal nitong Facebook page.

Iginiit din ng Department of Transportation (DOTr) na maaari pa ring mag-load ng beep card sa pamamagitan ng TVMs o over-the-counter sa mga teller.

“Ang tinanggal lang temporarily ay yung maliliit na machines na ginagamit for quick load fetching,” pahayag ng DOTr.

Dagdag ng DOTr, may plano ang AF Consortium na ibalik ang SVU at ERD machines na may updated 5G technology “within” the first quarter.

Samantala, ilang beep card users ang nagreklamo sa Facebook dahil naging abala umano ang pagtanggal ng mga makina at dapat ay may abiso muna o agarang kapalit na hindi umaasa sa 3G.

May ilan din ang nagsabing hindi lahat ay may NFC-enabled smartphone, lalo na’t kadalasang wala ito sa budget at entry-level phones.

Ang beep card ay pinatatakbo ng AF Consortium, isang partnership ng Ayala Group at First Pacific Group, at ginagamit sa Automated Fare Collection System ng LRT Lines 1 at 2 at MRT 3. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here