Home NATIONWIDE Sa gitna ng oil crisis, paghahabol sa Sabah binuhay sa Senado

Sa gitna ng oil crisis, paghahabol sa Sabah binuhay sa Senado

159
0

MANILA, Philippines – Sa gitna ng lumalalang krisis sa Gitnang Silangan, muling binuhay ng isang senador ang paghahabol ng Pilipinas sa Isla ng Sabah sa Malaysia kahit nakapagdesisyon na ang United Nations (UN) hinggil dito.

Sa pahayag, hiniling ni Senador Robin Padilla kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos na buhayin ang paghahabol sa Sabah—isang Malaysian state na kilala sa yaman sa langis at gas—habang patuloy na tumataas ang halaga ng produktong petrolyo sanhi ng Middle East crisis.

Ayon sa senador sa kanyang Facebook page, dapat magpadala ang gobyerno ng emisaryo sa Malaysia upang makipag-negosasyon sa territorial claims ng bansa sa Sabah.

“Mr. President, panahon na upang muling buhayin ang ating karapat-dapat na pag-angkin sa Sabah. Kailangan na nating kumilos at magpadala ng ating mga sugo. Ang North Borneo ay mayaman na sa yamang langis,” ayon sa senador.

Hinamon din ng mambabatas si Philippine Coast Guard (PCG) Rear Admiral Jay Tarriela na ipakita ang kanyang pagkamakabayan at pangunahan ang paghahabol.

Matatagpuan ang isla ng Borneo sa timog ng Mindanao, na matagal nang pinagtatalunan ang Sabah sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia.

Ayon sa heirs ng Sultan of Sulu, kontrolado ng original Filipino sultan ang teritoryo sa loob ng maraming siglo ngunit noong 1963, idineklara ng United Nations na kinilala ang Sabah bilang bahagi ng Federation of Malaysia.

Nilinaw ni Padilla na dapat itong resolbahin sa pamamagitan ng mapayapang negosasyon.

“Tama po—negosasyon, hindi po pakikipag-away. Ang Malaysia po ay kaibigan natin at kapitbahay natin,” aniya.

“Ang lahat ng bagay ay may gitna na papabor, lalong-lalo na sa taga-Sabah. Kailangan lang pag-usapan na ito at dito ay may bumubulwak nang langis,” giit ng mambabatas. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here