Home HOME BANNER STORY Sa ngayon walang ‘selective justice’ sa PBBM admin – Castro

Sa ngayon walang ‘selective justice’ sa PBBM admin – Castro

3
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ng Malacañang  ang alegasyon ng “selective justice” kaugnay ng kinahaharap na mga usaping legal ni Sen. Rodante Marcoleta at iginiit na nakabatay sa ebidensiya, at hindi sa politika, ang pagsasampa ng mga kaso sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang kinikilingan ang pamahalaan at maging ang mga kaalyado nito ay nahaharap din sa pananagutan.

“Sa ngayon ay wala pong selective justice na namamayani sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.,” ani Castro.

Binanggit niya ang kaso ni dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., na kasalukuyang nakadetine matapos maglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest kaugnay ng non-bailable malversation case na may kaugnayan sa umano’y ghost flood control project sa Bulacan.

“Kaya nga po kahit na kaibigan, kaalyado, nauna pa po na nakulong, na-detain at ngayon ay humaharap sa kaso ng plunder at graft case,” dagdag niya.

Iginiit din ni Castro na ang mga opisyal na nahaharap sa alegasyon ay dapat magpaliwanag sa korte.

“Kapag kayo po ay may ebidensiya at may ebidensiya laban sa inyo, sa korte ninyo na lamang po ito ipaliwanag or depensahan.”

Inilabas ng Malacañang ang pahayag matapos batikusin ng Iglesia ni Cristo (INC) ang umano’y “selective justice” sa isinagawang pagtitipon sa EDSA at ipahayag ang suporta kay Marcoleta kasunod ng anunsyo ng Office of the Ombudsman na pinag-aaralan nitong magsampa ng kaso kaugnay ng umano’y P75 milyong undeclared campaign contributions.

Ayon kay Castro, nag-ugat ang usapin sa sariling mga pahayag ni Marcoleta at sa mga nakitang pagkakaiba sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Itinanggi rin niya ang mga pahayag na may kaugnayan ang iniulat na kaso sa mga isiniwalat umano ni Marcoleta tungkol sa mga anomalya sa flood control projects, at sinabing magpapatuloy ang imbestigasyon anuman ang nagbunyag ng isyu.

Samantala, tumanggi si Castro na sabihing nagkaroon ng intelligence failure kaugnay ng biglaang mobilisasyon ng INC sa EDSA, at sinabing agad namang nalaman ng mga awtoridad ang pagtitipon at nagpadala ng mga pulis upang tiyakin ang seguridad at pamahalaan ang daloy ng trapiko. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here