Home NATIONWIDE Sa pag-alis ng rice price cap, ayuda sa rice retailers magpapatuloy –...

Sa pag-alis ng rice price cap, ayuda sa rice retailers magpapatuloy – DTI

MANILA, Philippines – Tatapusin pa rin ng pamahalaan ang pamamahagi ng P15,000 cash assistance sa micro rice retailers na apektado ng mandated price ceiling sa bigas, ayon kay
Trade Secretary Alfredo Pascual nitong Miyerkules, Oktubre 4.

Ito ay sa kabila ng pag-anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inaalis na ang rice price cap ngayong araw.

Ani Pascual, ang one-time cash aid ay magpapatuloy hanggang sa maubos na ang lahat ng pondong inilaan para rito.

“Tatapusin ‘yon,” sinabi ni Pascual.

Para naman kay Department of Trade and Industry-Fair Trade and Enforcement Bureau Director Fhillip Sawali, hindi maaapektuhan ang cash assistance program sa pag-aalis ng EO 39.

Sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program-Economic Relief Subsidy (SLP-ERS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa P217.2 milyon ang naipamahagi na sa 14,480 sa 19,685 micro at small rice retailers sa buong bansa hanggang noong Setyembre 29.

“There are 5,738 remaining listed beneficiaries who are set for payout,” sinabi ni Sawali.

Nagsimula ang pamahalaan sa distribusyon ng P15,000 cash aid sa mga apektadong rice retailer noong Setyembre 9, ilang araw matapos umipekto ang price cap sa bigas. RNT/JGC