Home ENTERTAINMENT Sabrina M, aminadong may aktor na nagparamdam, di bumigay!

Sabrina M, aminadong may aktor na nagparamdam, di bumigay!

Manila, Philippines- Mulat ang kaisipan ng 90s sexy star na si Sabrina M sa kontrobersyal ngayong isyu ng sexual harassment sa showbiz.

May ganito rin daw noong kapanahunan niya lalo’t nalinya siya sa pagpapaseksi.

Pero sa kaso niya, malimit ay mga kaeksenang aktor ang nagpapahiwatig ng gusto nilang mangyari.

Pagdating daw kasi sa mga kukunang eksena, tanging ang direktor, cameraman at leading man lang niya ang nasa mga eksenang sinu-shoot.

“At saka naglalagay ako agad ng wall…’o, hanggang dito ka lang!'” pag-amin ni Sab.

Hindi rin daw maiwasang may mga leading man siya na nadadala sa mga maiinit na eksena.

Pero agad daw niyang sinasabi na: “O, trabaho lang ‘to, walang personalan!”

Ipinagmamalaki nga ni Sabrina na ni isa sa kanyang mga kapareha ay hindi niya naging nobyo.

Para sa kanya, talagang trabaho lang ang ginawa niyang pagpapaseksi.

“Ang pangit namang tingnan kung sa totoong buhay, eh, ganoon ka rin.

“Gusto ko kasing i-maintain ang respeto ko sa sarili ko!”

Imposible rin daw noon na makalusot siya dahil hanggang sa shooting ay nakabantay ang kanyang ina.

“After the take nga, ang nanay ko pa ang nagtatakip sa akin ng tuwalya, kaya malabo talagang may makalusot na gagawa ng masama sa akin!”

Hindi naman binanggit ni Sabrina ang kanyang nalalaman tungkol sa iba pang kapwa sexy star na inabuso o hinarass ng direktor, kapwa aktor o tauhan mula sa produksyon. Ronnie Carrasco III