
MALAKING tulong para sa mga negosyante at manggagawa ang implementasyon ng tinatawag na Occupational Safety and Health Program. Sa ilalim ng umiiral na Republic Act 11058 o An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof, obligado ang bawat employer na gumawa at magsumite ng naturang programa sa Department of Labor and Employment.
Isang mabisang paraan ito upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng bawat manggagawa. Syempre, kailangang kumpleto at komprehensibo ang nilalaman ng dokumentong ipatutupad ng bawat kompanya sa lahat ng gawain. May available na template na maaaring magamit para punan ang lahat ng pangangailangan. Kapag pumasa sa labor department ang dokumentong ipinasa, maaari na itong gamitin bilang gabay at polisiya para sa labor protection.
Sakop ng panuntunang ito ang lahat ng uri ng negosyo. May OSH program para sa maliliit na establisimyento na may kakaunting empleyado at meron din naman para sa malalaking kompanya na malaki ang populasyon ng nagtatatrabaho. May angkop na OSH program din para sa mga negosyong nasa low, medium at a high risk category.
Kabilang sa nilalaman ng programa ang pirmadong commitment ng bawat employer o kanyang kinatawan. Isa itong pagpapakita na alam at kusang tinatanggap ng pumipirma ang kanyang obligasyon at liability sa OSH.
Kalakip ng programa ang hazard identification, risk assessment and control o HIRAC para sa bawat aktibidades na mayroong significant risk. Sa pamamagitan nito, nalalaman na agad ng mga nagtatrabaho ang mga hazard at kung gaano ito kapanganib at mareremedyuhan.
Sa totoo lang dear readers, hindi naman talaga maiiwasan ang panganib pero maaaring pababain ang bawat posibilidad upang hindi mangyari ang mga consequence tulad ng aksidente at sakit kung epektibong naisasagawa ng kompanya ang mga detalyado, praktikal at klarong solusyon o control measures.
Ang masaklap, papaano kung hindi nakasusunod ang kompanya rito? Sabi nga ng isa nating kaibigan, kung ‘yun ngang pagsusumite ng Rule 1020 o Registry of Establishment na kapirasong papel lamang eh’ hindi pa maipasa ng ilang kompanya, ‘yun pa kayang OSH Program!
Teka, teka may naglalakihang multa po kada araw ang labor department sa bawat pagsuway ng kompanya sa OSH standards.
Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang DO 198-18 ng DOLE.