Home HOME BANNER STORY Saging, P50 cash kapalit sa pagpapalampas ng PCG personnel sa violation ng...

Saging, P50 cash kapalit sa pagpapalampas ng PCG personnel sa violation ng M/B Aya Express – captain

MANILA, Philippines – Inihayag ng kapitan ng bangkang M/B Aya Express nitong Martes, Agoto 8, na nagbibigay lamang siya ng saging at P50 na cash sa tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) upang palampasin ang mga violation nito.

Kasabay ng joint Senate hearing ng Committees of Public Services and National Defense and Security, tinanong ni Senador Raffy Tulfo ang kapitan ng bangka na si Donald Añain kung sinusuhulan ba niya ang tauhan ng PCG bago sila umalis ng pantalan.

“Magkano ang binigay mo sa Coast Guard na pampadulas noong pumunta ka doon at pinirmahan na lang yung papel na nakapikit?” tanong ni Tulfo.

“Yun ano lang, “pampangiti”… Kailangan po magdadala ka po ng kahit alin po…Bumili lang po ako ng P100 na saging… Tsaka yung P50 na money, meryenda,” sagot naman ni Añain.

Aniya, karaniwan umano ang pagbibigay ng kung ano-ano sa tauhan ng PCG sa isla, katulad ng tinapay, sigarilyo o alak.

Dumalo naman sa pagpupulong ang mga opisyal ng PCG ngunit wala pang reaksyon sa naturang pahayag.

Matatandaan na 27 katao ang nasawi habang 40 ang nakaligtas nang lumubog ang naturang bangka sa Binangonan, Rizal.

Ang M/B Aya Express ay may kapasidad na 42 katao ngunit overloaded ito ng mahigit 60 katao.

Nadiskubre rin na si Añain ay walang valid license mula sa Maritime Industry Authority (MARINA).

Sinuspinde naman ng MARINA ang Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) ng M/B Aya Express “effective immediately until further notice” matapos ang insidente.

“The decision to suspend the safety certificate is in response to the unfortunate sea incident, which raises concerns about the integrity of the ship’s hull, integral parts, and other affected machineries/appliances,” sinabi ng MARINA.

Naghain na ng reklamo ang PCG ng syndicated estafa laban sa may-ari ng M/B Aya Express, boat captain, at asosasyon dahil sa insidente ng umano’y fraud at misrepresentation. RNT/JGC