Home HOME BANNER STORY Sahod ng higit 800 dating OFWs sa Saudi nabayaran na

Sahod ng higit 800 dating OFWs sa Saudi nabayaran na

MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes na nagsimula na ang payout para sa hindi nabayarang sahod at benepisyo ng mga dating overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia.

Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, nagsimulang mamahagi ng tseke ang gobyerno ng Saudi noong Nobyembre kung saan nasa kabuuang 843 Filipino claimants na ang nabayaran.

“Wala tayong nadidinig na issue in terms of the amounts that they received, meaning these are the just amounts. The amounts that the workers feel or had put forward as their particular claims,” ani Cacdac.

Base sa opisyal na listahan ng DMW, nasa 10,554 dating Saudi OFWs ang hindi nabayaran ng kanilang sahod at benepisyo.

Karamihan sa OFWs ay pinauwi na ng gobyerno ng Pilipinas noong 2016 matapos malugi ang tatlong mega Saudi construction companies dahil sa pagbagsak ng presyo ng langis na nagsimula noong 2014 at nakaapekto sa ekonomiya ng Saudi.

Noong Nobyembre 2022, nangako si Crown Prince Mohammed bin Salman Al Saud ng Saudi kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ng 2 billion riyals para sa kabayaran sa OFW claims sa bilateral meeting sa APEC Summit sa Bangkok, Thailand.

Ang DMW, sa pamamagitan ni yumaong Secretary Susan Ople, ay nag-organisa ng isang mekanismo para isapinal ang listahan ng mga claimant na isinumite sa gobyerno ng Saudi.

Batay sa prosesong itinatag sa ngayon, ang claimants ay tumatanggap ng mga tseke mula sa Saudi bank na Alinma, habang tinutulungan ng DMW ang mga OFW na magdeposito ng mga tseke sa Landbank at makipag-ugnayan sa Overseas Filipino bank para sa clearance nito, na tumatagal ng 45 hanggang 60 araw.

Sinabi ni Cacdac na nasa 700 tseke ang kasalukuyang naghihintay ng clearance ngunit tiniyak din niya na tutulungan ng DMW ang lahat ng claimants na matanggap ang nararapat sa kanila. Jocelyn Tabangcura-Domenden