Home NATIONWIDE Sahod ng taga-gobyerno pwedeng samsamin pambayad-utang — SC

Sahod ng taga-gobyerno pwedeng samsamin pambayad-utang — SC

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Supreme Court na maaaring kolektahin ng korte ang suweldo ng mga pampublikong opisyal para mabayaran ang kanilang mga utang. Ang mga suweldo ay hindi exempted sa garnishment sa ilalim ng kasalukuyang mga batas at tuntunin.

Sa isang desisyon na isinulat ni Associate Justice Samuel H. Gaerlan, nagpasya ang Third Division ng Korte na maaaring ma-garnish o makumpiska para legal na kolektahin ang suweldo ni Atty. Fred L. Bagbagen (Bagbagen) para bayaran ang kanyang utang kay Anna May F. Perez.

Napawalang-sala ng Regional Trial Court (RTC) sa kasong estafa si Bagbagen, pero napatunayan siyang may sibil na pananagutan para bayaran si Perez ng PHP 308,000. Pinayagan ng RTC ang garnishment ng kanyang suweldo na nakadeposito sa Philippine Veterans Bank.

Sinubukan ni Bagbagen na pigilan ang garnishment sa katwirang ang kanyang mga suweldo ay pondo ng gobyerno hangga’t hindi nagagastos.

Tinanggihan ito ng RTC na nagsabing hindi na itinuturing na pondo ng gobyerno ang pera kapag ito ay naideposito na sa personal na bank account. Sumang-ayon sa RTC ang Court of Appeals (CA).

Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng CA at RTC. Binigyang-diin nito na walang batas na nag-e-exempt sa mga suweldo ng mga opisyal ng gobyerno sa garnishment. Sa ilalim ng Rule 39 ng Rules of Court, ang mga suweldo — parehong pampubliko at pribado — ay maaaring ma-garnish para pambayad sa utang.

May exception para sa mga manual laborer o manggagawa na ang mga sahod ay protektado para matiyak na maaari pa rin nilang suportahan ang kanilang mga pamilya. Paliwanag ng Korte, ang mga manggagawa ay karaniwang umaasa sa kikitain sa isang araw ng trabaho para suportahan ang kanilang pamilya, kaya higit silang nangangailangan ng exemption. Pero hanggang apat na buwang halaga ng sahod ang kasama sa exemption. Anumang halagang higit pa rito ay maaari pa ring kolektahin para bayaran ang mga utang.

Pinapanatili ring mas mahigpit ang pamantayan pagdating sa kita at obligasyon sa pananalapi ng mga pampublikong opisyal dahil sa kanilang tungkulin sa Konstitusyon bilang tagapag-ingat ng tiwala ng publiko. — Teresa Tavares