MANILA, Philippines – UMAASA ang Malakanyang na magiging isang upper middle-income country ang Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito’y matapos ipakita ang pinakabagong classification para sa fiscal year 2026 ng World Bank kung saan ang Pilipinas ay nananatiling lower-middle-income economy. Ito’y sa kabila ng nananatiling gross national income (GNI) per capita noong 2024 sa $4,470, tumaas mula sa GNI per capita na $4,320 noong 2023.
“GNI per capita measures the country’s total income divided by its population,” ayon sa ulat.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na may plano ang gobyerno na makamit ang upper-middle income status sa loob ng termino ni Pangulong Marcos.
“Ang gagawin ng pamahalaan ay lalong palakasin ang macroeconomic foundation at ipagpatuloy pa po ang mga reporma sa infrastructure, education, innovation at digitalization, pati na po ang ease of doing business like the CREATE MORE Act, pati po ang PPP or Private-Public Partnership Code,” ani Castro.
“So, makakasa po tayo na magiging positibo tayo para po makamit natin at makarating po sa upper middle-income group sa panahon po ni Pangulong Marcos Jr.,” aniya pa rin.
Nauna rito, sinabi ng World Bank na posibleng sa 2027 pa upper middle-income status ang Pilipinas, matatagalan pa niya ito.
Matatandaang, sa unang State of the Nation Address (SONA) noong July 2022, isiniwalat ni Pangulong Marcos ang layunin ng kanyang administrasyon para sa Pilipinas na tamaan ang GNI per capita na $4,256 para makamit ang upper-middle income status sa 2024.
Ang timeline para tamaan ang target ay paulit-ulit na naa-adjust. Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Economic Planning Secretary Arsenio na ang bansa ay aangat at papaitaas upang maging isang upper middle-income country sa 2026, dahil kumpiyansa siya na ang ekonomiya ay lalawak ng 6% para sa buong 2025. Kris Jose