MANILA, Philippines – WALANG pakialam si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. kung maging siya ay pagbawalan rin na pumasok sa Tsina at mga teritoryo nito.
Pinagbawalan kasi ng Tsina na makapasok ng kanilang bansa at mga teritoryo sa Hong Kong at Macao si dating Senador Francis Tolentino dahil umano sa pagiging “anti-China” nito at bilang parusa sa kanyang pagbanat sa nasabing bansa dahil sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Pinatawan ng Ministry of Foreign Affairs ng China ng sanction si Tolentino dahil sa mga pahayag at aksyon ng dating mambabatas na nakasisira umano sa kanilang bansa at sa relasyon ng China at Pilipinas.
“Wala naman akong pakialam [kung] gawin nila sa akin ‘yon,” ang sinabi ni Teodoro sa isang panayam.
Ani Teodoro, prerogative ng anumang bansa, kahit pa walang paliwanag, na payagan o pagbawalan ang sinuman na pumasok sa kanilang teritoryo.
“Nasa sa kanila naman ‘yon, ‘di ba?” aniya pa rin.
Sa ulat, binigyang-diin ng tagapagsalita ng Chinese foreign ministry na ipagtatanggol ng gobyerno ng Tsina ang pambansang soberanya, seguridad, at interes sa pag-unlad sa kabila ng mga pahayag ng mga tinaguriang anti-China politician mula sa Pilipinas.
“For quite some time, driven by selfish interests, a handful of anti-China politicians in the Philippines have made malicious remarks and moves on issues related to China that are detrimental to China’s interests and China-Philippines relations,” naka-post sa website ng Chinese Ministry of Foreign Affairs.
Tinawag ng Chinese foreign ministry na “egregious conduct” ang ginawa ni Tolentino na nagtaguyod sa Senado ng Philippine Maritime Zones Act.
Sinabi naman ni Tolentino na kinikilala niya ang sanctions na ipinataw sa kanya ng China dahil sa ginawa niyang pagtatanggol sa mga mamamayang Filipino.
“I acknowledge the sanctions imposed on me by China for defending the rights, dignity and sovereignty of the Filipino people in the West Philippine Sea,” ani Tolentino.
Tinawag din ni Tolentino na “badge of honor” ang sanction na ipinataw sa kanya ng Tsina. Kris Jose